Droga

Boga, droga nasamsam sa lumber trader

112 Views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR–Tiklo sa mga pulis ang may-ari ng coco lumber dahil sa pag-iingat ng walang lisensya na baril at shabu sa Purok 2, Brgy. San Pablo, Sto. Tomas City, Batangas noong Martes.

Ayon kay Batangas police director P/Col. Marlon Rufo, ang suspek ay nakilalang si alyas Armeil ng Brgy. San Fernando, Sto. Tomas City.

Nahuli siya ng mga elemento ng City Drug Enforcement Team ng Sto. Tomas City police na nagsagawa ng operasyon laban sa ilegal na droga.

Narekober sa suspek ang 1.2 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P7,360.00, isang 9mm pistol, magasin, bala at buy-bust money.

Ang suspek ay nasa kustodiya ng Sto. Tomas police para sa pagproseso at pagsampa ng mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).