PNP Source: PNP

LUTAS NA ANG KASO NG SINUNOG NA KOTSE NA MAY 2 BANGKAY SA ECIJA

Steve A. Gosuico Mar 12, 2026
331 Views

CAMP GEN. MARIANO N. LLANERA, Cabanatuan City – Lutas na sa loob ng dalawang araw ang kaso ng dalawang sunog na bangkay sa loob ng sinunog na kotse sa Peñaranda matapos masakote sa hot pursuit operations ang apat na katao na sangkot sa pagpatay sa lalawigan ng Isabela nitong Miyerkules ng hapon.

Ayon kay bagong-talagang acting Nueva Ecija top cop Col. Ritchie R. Claravall, nalutas na nila ang kaso matapos matunton at mahuli ang apat na suspek sa Bgy. Siempre Viva Sur, bayan ng Mallig nitong alas-1:45 ng hapon.

Sinabi ni Claravall, na nanungkulan dito noong Martes bilang acting PD, na ang matagumpay na operasyon ay bunga ng patuloy na operasyon ng pagtugis na nakatuon sa intelligence, backtracking, at mga pagsusuri sa CCTV ng magkasanib na elemento ng Regional Special Operations Group–Regional Intelligence Division PRO3, Provincial Intelligence Unit NEPPO, Criminal Investigation and Detection Group Nueva Ecija Provincial Field Unit, Peñaranda MPS sa ilalim ni Capt. Vincent Taylor at ng Mallig MPS ng tanggapan ng pulisya sa Isabela.

Isang kasong kriminal para sa pagpatay ang nakatakdang isampa laban sa mga suspek, na ngayon ay nakakulong sa Peñaranda MPS.

Nauna rito, naiulat noong Marso 9, 2026, bandang 10:40 AM na isang pulang Toyota Wigo ang natagpuang sinunog sa harap ng Leong Hup Farm sa Brgy. Sinasajan, Peñaranda, Nueva Ecija. Sa loob ng sasakyan ay ang mga bangkay ng lalaki at babae, na parehong hindi pa nakikilala noong una dahil sa matinding sunog sa katawan.

Pinapurihan ni Claravall ang mga yunit ng pulisya sa kanilang mabilis na pagkilos sa pagdakip sa mga responsable sa pagpatay na ito, pagharap sa kanila sa hustisya, kasunod ng patnubay ni PBGEN JESS B MENDEZ, Regional Director, PRO3, at ng PNP Focused Agenda – Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.