Driver Source: Del Gallego PNP

Bus nahulog sa bangin sa Camarines Sur; 6 patay, at least 20 sugatan

Zaida Delos Reyes Dec 27, 2025
424 Views

ANIM na pasahero ang nasawi habang hindi bababa sa 20 ang nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus nitong Biyernes ng madaling araw sa Barangay Magais I, Del Gallego, Camarines Sur.

Isa sa mga nasawi ay nakilala na, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pang namatay sa aksidente.

Isinugod naman ang mga nasugatan sa Maria Eleazar Hospital sa Tagkawayan, Quezon.

Kabilang sa mga nasugatan sina Junior Lasheras, Crispo Paballa, Adeliada Boni Salvanti, Eleanor Salvanti Delos Reyes, Gordon Barnido Garbida, Yrene Denisse Fulgar Garbida, Jasmine Jalmasco, John Paul Cabase, Lucien Salvador Esmeralda Jr., Kin Eddie Minguez, Dionedes Rotis Salvante, Nancy Ayapana Sia, Arnel Abila Dela Rama, Jessie Jasmela Plan, Claire Escarcha Datur, Melmar Abugan Adalig, Jason O. Luzon, Noel Jarical, Joseph O. Luzon, Mario Hontiveroz, Mischaelz Acosta at Lenin B. Lubaton.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang aksidente dakong alas-3:25 ng umaga sa kahabaan ng Rolando Highway sa Brgy. Magais I sa Del Gallego.

Lulan ang mga biktima ng DLTB bus na patungong Gubat, Sorsogon, mula sa Cubao, Quezon City.

Habang binabaybay ang highway ay nakatulog ang driver ng bus kaya nawalan ito ng kontrol sa manibela at nahulog sa bangin na may 10-metro ang lalim.

Naging mahirap ang rescue operation lalo na sa dalawang nasawi na inabot ng halos 10 oras bago tuluyang marekober dahil sa delikadong posisyon ng bus at sa panganib na kinaharap ng mga rescuer.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang maitala nang maayos ang lahat ng detalye ng mga biktima at matukoy ang tiyak na sanhi ng malagim na aksidente.