NAIA

CAAP itinaas heightened alert sa mga paliparan bilang paghahanda kay ‘Tino’

Jun I Legaspi Nov 3, 2025
177 Views

ITINAAS ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang heightened alert status sa lahat ng area center at paliparan sa buong bansa bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Tino.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Pansamantalang Kalihim ng Transportasyon Giovanni Lopez upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng lahat ng sektor ng transportasyon, iniatas ni CAAP Director General, Retiradong Heneral Raul Del Rosario, sa lahat ng Area Center Manager at Airport Manager sa mga posibleng maapektuhang rehiyon na tiyakin ang kahandaan ng mga pasilidad, kagamitan, at tauhan ng mga paliparan.

Inatasan ang lahat ng paliparan sa ilalim ng hurisdiksiyon ng CAAP na:

• Siguruhin ang seguridad ng mga komunikasyon at navigational equipment
• Ihanda ang mga emergency response team
• Makipag-ugnayan sa mga airline at lokal na awtoridad para sa posibleng pagkaantala o pagkansela ng mga biyahe

Upang matiyak ang kapakanan ng mga pasahero, ipinag-utos din sa mga paliparan ang pagpapatupad ng mga hakbang sa pagbibigay-tulong, kabilang ang:

• Paglalaan ng pansamantalang matutuluyan, pagkain, at pangunahing pangangailangan para sa mga stranded na pasahero
• Pagpapatakbo ng mga Malasakit Help Desk upang magbigay ng agarang tulong at masiguro ang kaginhawaan ng mga pasahero

“Mahigpit na mino-monitor ng CAAP ang galaw at posibleng epekto ng Bagyong Tino sa operasyon ng himpapawid. Tinitiyak namin na nakahanda ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang buhay at mapanatili ang kahandaan ng operasyon sa lahat ng paliparan,” pahayag ni Heneral Del Rosario.

Tiniyak ng CAAP sa publiko na ito ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga airline operator at pamunuan ng mga paliparan upang mapanatili ang kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng mga biyahero.