Vargas

PBBM pinuri sa pagpuksa sa POGO

Mar Rodriguez Nov 3, 2025
461 Views

PINURI ni House Deputy Majority Leader Rep. Patrick Michael “PM” D. Vargas si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa determinasyon nitong mapuksa ang laganap na sugal sa bansa kasunod ng pagkakalagda nito sa Republic Act No. 12312.

Nilagdaan ni Pangulong Marcos kamakailan ang RA. No. 12312 na tuluyang nagbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas.

Maituturing na makasaysayan ang paglagda ng Pangulo sa naturang batas sapagkat nangangahulugan lamang ito na matutuldukan na ang lagim na dinala ng POGOs sa bansa, kabilang ang malawakang pagpatay, pagdukot at iba pang krimen.

Sinabi ng kongresista na hindi maikakailang malaki ang kinita ng pamahalaan sa operasyon ng POGO subalit nagdudumilat naman ang katotohanan na lumaganap ang karahasan at sunod-sunod na pagpatay mula ng mag-umpisa ang operasyon nito sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.

Iginigiit ni Vargas na hindi kayang tumbasan ng salapi ang napakaraming buhay na nasawi dahil sa POGO kahit pa ikatuwiran na hindi naman mga Pilipino ang biktima.

Muling binigyang diin ng House Deputy Majority Leader na nangyari ang krimen sa Pilipinas kung kaya’t maituturing na damay parin ang ating bansa sa operasyon ng POGO bukod pa ang pagkakasangkot ng ilang opisyal na nagsilbing protektor ng mga Chinese nationals.