Emman3

‘Emman Atienza Bill’ layong labanan online hate, harassment, cyberbullies

354 Views

INIHAIN ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito ang “Emman Atienza Bill” na layong labanan ang paglaganap ng online hate, harassment, at cyberbullying, lalo na laban sa mga kabataan at iba pang mahihinang sektor.

Ayon kay Ejercito, ang panukalang batas na kilala rin bilang “Anti-Online Hate and Harassment Bill” ay magpapataw ng pananagutan sa mga gumagamit ng social media at internet upang manira ng dangal, magpakalat ng maling impormasyon, at mag-udyok ng karahasan.

“In reality, there are no delete or edit buttons for the ones we have hurt,” ani ng senador, bilang pagtalakay sa mga sugat na idinudulot ng mapanirang online posts.

Binigyang-diin ni Ejercito na bagama’t nakatutulong ang internet sa pagpapalaganap ng impormasyon, ito rin ay nagiging kasangkapan ng mga taong nagkakalat ng kasinungalingan at paninira.

Aniya, layon ng panukala na isulong ang pananagutan nang hindi nililimitahan ang kalayaan sa pagpapahayag.

Ipinangalan ang panukala kay Emman Atienza, anak ni television host Kim Atienza, na umano’y biktima ng cyberbullying. Ayon kay Ejercito, layunin ng batas na ito na protektahan ang dangal at kalusugang-pangkaisipan ng mga gumagamit ng internet sa pamamagitan ng mga parusa laban sa online defamation at harassment.

Kasama sa panukala ang pagtatatag ng malinaw na mekanismo para sa mga biktima upang makapaghain ng reklamo at makakuha ng hustisya. Ipinanukala rin ang mas mahigpit na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga social media platform upang sugpuin ang mga kampanya ng online hate.

Sinabi ni Ejercito na ang panukala ay karugtong ng mga umiiral na batas sa cybercrime ngunit tutugon sa kakulangan ng proteksyong digital na nararanasan ng maraming Pilipino.

Umaasa ang senador na ang hakbang na ito ay magsusulong ng “kultura ng malasakit at paggalang” sa internet. “Words matter,” wika ni Ejercito. “Ang pinsalang dulot ng online hate ay maaaring makawasak ng buhay.”