PRC Source: Philippine State Agency

CAAP: Mag-ingat sa debris galing China rocket

Jun I Legaspi Jul 31, 2025
371 Views

NAGLABAS ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng Notice to Airmen (NOTAM) kaugnay ng posibleng panganib dulot ng pagbagsak ng debris mula sa inilunsad na rocket ng China.

Kumpirmado ng Philippine Space Agency (PhilSA) na inilunsad ng China ang Long March 8A rocket mula sa Hainan Commercial Launch Site sa Wenchang noong Hulyo 30 alas-3:49 ng hapon.

Batay sa tracking data, inaasahang babagsak ang ilang bahagi ng hindi pa nasusunog na rocket sa labas ng teritoryo ng Pilipinas—isa sa tinatayang 120 nautical miles timog-silangan ng Puerto Princesa, Palawan at isa pa sa humigit-kumulang 42 nautical miles mula sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur.

Bilang bahagi ng pagsiguro sa kaligtasan ng himpapawid, naglabas ang CAAP ng NOTAM na magiging epektibo sa Agosto 4 mula alas-6:14 ng hapon hanggang alas-6:42.

Saklaw nito ang isang lugar na 40 nautical miles timog-silangan ng Puerto Princesa Airport, mula sa surface level hanggang sa unlimited altitude.

Patuloy na nagsasagawa ang CAAP ng mga maagap na hakbang sa pagbabantay sa mga aktibidad ng aerospace ng ibang bansa at sa pagbibigay ng napapanahong abiso upang mapanatili ang seguridad ng mga operasyon sa aviation.

Pinapayuhan ng CAAP ang mga airline at piloto na iwasan ang tinukoy na lugar at magsagawa ng angkop na pag-iingat sa takdang oras.