Pic

Yamsuan itinutulak maternity benefits para sa informal sector

348 Views

NANAWAGAN si Kinatawan Brian Raymund Yamsuan ng Ikalawang Distrito ng Parañaque sa bagong Kongreso na agad ipasa ang kanyang panukalang batas na layong magbigay ng maternity cash benefits sa mga kababaihang manggagawa sa informal sector.

Saklaw ng panukalang House Bill (HB) 2240 ni Yamsuan ang mga kababaihang manggagawa sa informal economy na hindi miyembro ng Social Security System (SSS), maging regular o boluntaryo man ang kanilang pagiging manggagawa. Kabilang dito ang mga freelancer, sariling sikap na manggagawa, home-based workers, at mga manggagawang nasa hindi kinikilalang o hindi reguladong employment relationships.

Ayon sa HB 2240, na kabilang sa mga unang panukalang batas ni Yamsuan sa Ika-20 Kongreso, magbibigay ng “isang beses na direktang maternity cash benefit kada panganganak” para sa mga manggagawa sa informal sector, na katumbas ng umiiral na minimum wage sa kanilang rehiyon, na imumultiplika sa 22 araw.

“Malaking bahagi ng ating mga informal workers na kasama sa pagpapasigla ng ating ekonomiya ay mga kababaihan at karamihan sa kanila ay walang benepisyo na natatanggap mula sa gobyerno. Ang ating panukalang batas ay layuning mabago ang ganitong di-patas na pagtrato sa kanila,” ani Yamsuan.

Binanggit ni Yamsuan ang kahalagahan ng panukalang batas kasunod ng muling pagbibigay-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) sa pagpapalawak ng oportunidad para sa mga mahihirap na Pilipino na makapagsimula ng sariling negosyo. Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), kabilang sa mga inaasahang makikinabang dito ay ang mga kababaihan.

Layunin ng HB 2240, o ang panukalang Equal Maternity Protection Act, na amyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act 11210 o ang Expanded Maternity Leave Law, na sa kasalukuyan ay limitado lamang sa mga kababaihang miyembro at nag-aambag sa SSS.

Ayon kay Yamsuan, sa Ikalawang Distrito ng Parañaque pa lamang, kung saan siya ay nagbibigay ng mga oportunidad sa trabaho at kabuhayan sa pamamagitan ng mga programang Bigay Negosyo at Dagdag Pangkabuhayan, karamihan ng mga benepisyaryo ay kababaihan.

Batay sa pinakahuling datos mula sa tanggapan ni Yamsuan, 80 porsyento ng mga benepisyaryo ng programang Dagdag Pangkabuhayan ay mga babae. Sa Bigay Negosyo, humigit-kumulang 72 porsyento ng mga benepisyaryo ay mga kababaihang nais magsimula ng sariling negosyo.

“Ang pagtatrabaho sa informal sector ay nag-iiwan sa mga kababaihan nang walang kahit anong uri ng social benefits. Wala silang health insurance, o bakasyon at sick leave. Kinakailangan pa nilang magtrabaho habang nagpapagaling mula sa panganganak at inaalagaan ang kanilang bagong silang na anak at pamilya, dahil ipinagkakait sa kanila ang pinaka-pundamental na proteksyong panlipunan—ang maternity benefits,” paliwanag ni Yamsuan.

“Bukod sa pag-alis ng hirap at pangamba ng mga buntis na manggagawa, ang pagbibigay ng maternity protection ay napatunayang may positibong epekto hindi lang sa ina, kundi pati sa kanyang anak, sa ekonomiya, at sa lipunan sa kabuuan,” dagdag pa niya.

Ayon sa panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang inatasang magtakda ng mga panuntunan at kwalipikasyon para sa mga benepisyaryo ng maternity cash grant.

Kapag naisabatas ang panukala, ang isang babaeng manggagawa sa informal economy na nakatira sa Metro Manila, kung saan ang umiiral na minimum wage ay P695, ay makatatanggap ng P15,290 mula sa DSWD matapos manganak.

Ang pondong gagamitin sa pagpapatupad ng panukala ay magmumula sa kita mula sa excise taxes sa mga matatamis na inumin, alak, tabako, at vapor products, at maaaring dagdagan sa pamamagitan ng General Appropriations Act.