Calendar
Source: File photo
Cavite gang war: 15-anyos sinaksak sa dibdib ng 15-anyos, patay
TINARAKAN sa dibdib ng 15-anyos na binatilyo ang kapuwa menor de-edad na biktima na miyembro ng kalabang gang matapos ang mainitang pagtatalo Huwebes ng gabi sa Silang, Cavite.
Naisugod pa sa University Medical Center sa Dasmariñas City ang 15-anyos na biktimang si alyas “Ushaine” ng Brgy. Ipil 1, Silang, subalit ideneklarang dead on arrival sanhi ng malalim na tama ng saksak sa dibdib.
Tumakas naman ang suspek na si alyas “Mark” na elementary undergraduate at residente rin ng Brgy. Ipil 1 matapos ang pananaksak, at tinutugis ng mga tauhan ng Bulihan Police Community Precinct 1 ng Silang Municipal Police Station.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, naglalakad ang biktima, kasama ang mga kaibigan, nang lumapit ang suspek pagsapit sa Bulihan Sight Services Project Elementary School sa Brgy. Ipil 1 dakong alas-9:30 ng gabi, at pinagsisigawan ng masasamang salita si alyas Ushaine na may kaugnayan sa alitan ng kani-kanilang inaanibang gang.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang bumunot ng patalim ang suspek at tinarakan sa dibdib ang biktima, bago mabilis na tumakas palayo sa lugar.
Inihahanda na ng pulisya ang paghahain ng kasong pagpatay laban sa menor de-edad na suspek sa Office of the Provincial Prosecutor ng Silang.

