Bodycam

Tulfo pinuna PPA sa mahal na presyo ng biniling body cams

365 Views

SINABON ni Senador Raffy Tulfo, chairman ng Senate Committee on Public Services, ang Philippine Ports Authority (PPA) dahil umano sa sobrang mahal na pagbili ng mga body-worn cameras, na tinawag niyang “imoral” at “iskandaloso.”

Ibinunyag ni Tulfo na noong Oktubre 2020 ay bumili ang PPA ng 191 units ng body cameras sa halagang ₱879,000 bawat isa. Pagkaraan ng isang taon, noong 2021, bumili umano muli ang ahensya ng 164 units na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1,000,000 bawat isa.

“Imoral at iskandaloso na masyado ito,” mariing pahayag ni Tulfo sa pagdinig ng komite, at inihambing pa niya ito sa body-worn cameras ng Philippine National Police (PNP) na nagkakahalaga lamang ng ₱135,000 bawat isa.

Batay sa imbestigasyon ng kanyang grupo, natuklasan umano ni Tulfo na maliit na apartment lamang sa Sta. Mesa Heights, Quezon City ang nakarehistrong opisina ng nasabing kumpanya, at ₱10 milyon lang ang deklaradong kapital nito. Dagdag pa niya, na-flag na umano ng Commission on Audit (COA) ang kumpanya dahil sa umano’y pag-supply ng depektibong kagamitan sa Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Paliwanag ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago, dumaan umano sa tamang proseso ang procurement sa ilalim ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.

Giit niya, walang advance payment na ibinigay, at tiniyak na naihatid, nasuri, at gumagana ang mga kamera bago bayaran. Bahagi rin umano ng National Port Surveillance System (NPSS) ang mga ito na ginagamit ng mga port police ng PPA.

Dagdag pa ni Santiago, ang post-qualification ay isinagawa ng Technical Working Group (TWG) upang matiyak ang pagsunod sa mga patakaran ng bidding.

Ngunit iginiit ni Tulfo na tila walang sapat na due diligence na isinagawa bago ipinagkaloob ang kontrata. Hiniling niya sa Department of Transportation (DOTr), na siyang may pangangasiwa sa PPA, na imbestigahan ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC)—maging mga retirado o kasalukuyang opisyal—dahil sa posibleng kuntsabahan.

Sumang-ayon si DOTr Secretary Giovanni Lopez na magsagawa ng imbestigasyon na tututok sa post-qualification process, Technical Working Group (TWG), at BAC.

Muling piniga ni Tulfo si Santiago kung sino ang nagsagawa ng post-qualification, paano isinagawa ang bidding, at kung nasunod ang patakaran sa pagpili ng pinakamababang kwalipikadong bidder. Iginiit din niya ang pangangailangang magsagawa ng mas mahigpit na background check sa mga supplier, at muling binanggit ang umano’y COA flagging laban sa Boston Homes, ang maliit nitong kapital, at ang kahina-hinalang address ng kumpanya.

Sa pagtatapos, nanawagan si Tulfo kay Secretary Lopez na papanagutin ang mga sangkot sa umano’y iregularidad, na aniya, kahit pa isama ang gastos sa system integration, “the price still doesn’t make sense.”