LTO

Koleksyon ng LTO 75% na ng target sa ’25

Jun I Legaspi Oct 10, 2025
178 Views

NAKALIKOM ang Land Transportation Office (LTO) sa pamumuno ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ng P25.4 bilyong koleksyon mula Enero hanggang Setyembre 2025.

Ayon kay Asec Mendoza, kayang makamit ang itinakdang P34 bilyong target sa 2025 ng LTO.

“Ang tagumpay na ito ay patunay ng ating ipinaglaban noong nakaraang taon. Lubos akong nagpapasalamat sa mga tauhan ng LTO sa inyong tiwala at pakikiisa nang sabihin kong posible ito. Sa ganitong bilis ng koleksyon, malinaw na nasa tamang direksyon tayo upang maabot ang target para sa 2025, na siyang magiging pinakamataas sa kasaysayan ng LTO,” dagdag ni Mendoza.

Batay sa datos ng LTO hanggang Setyembre 30, umabot sa P25,469,343,321.16 ang nakolekta o katumbas ng halos 75% ng target na koleksyon para sa taon.

Sa LTO Central Office, nalampasan na rin ang target na P906 milyon para sa 2025 dahil umabot na sa P1.4 bilyon ang koleksyon hanggang Setyembre 30.

Tatlong rehiyon na lamang ang may kulang na mas mababa sa 20% ng kani-kanilang target, habang halos lahat ay mas mababa sa 30%.

Nananatiling kumpiyansa si Asec Mendoza na makakamit ng lahat ng Regional Office ang kani-kanilang mga target sa nalalabing tatlong buwan ng taon.

Tiniyak ng LTO Chief na patuloy ang maayos na financial management ng ahensya at kumpiyansa siyang maaabot nila ang P34 bilyong target na itinakda ng kanyang tanggapan noong nakaraang taon.

Pinuri ni Asec Mendoza ang mga kawani ng LTO sa kanilang tiwala at suporta ng ipinatupad niya ang mga reporma upang maayos ang pamahalaang pinansyal ng ahensya mula nang maupo siya bilang pinuno ng LTO noong 2023.

“Hindi pa tapos ang ating laban, mayroon pa tayong P8 bilyon na kailangang kolektahin,” sabi ni Asec Mendoza.