Cayton

Cayton nais bigyan ngipin ang PTA sa pamamagitan ng PCTA

Mar Rodriguez Aug 4, 2026
26 Views

BINIGYANG-DIIN ni Nueva Viscaya Lone District Rep. Timothy Joseph “Tim” E. Cayton na layunin ng kaniyang isinulong na panukalang batas na palakasin, ma-institutionalize, mabigyan ng kapangyarihan at magkaroon ng ngipin ang Parent’s Teachers Association (PTA) para masagkaan ang posibleng pagsiklab ng karahasan sa mga pribado at pampublikong paaralan sa darating na hinaharap.

Ito ay kasunod ng marahas at kakila-kilabot na insidente ng pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa Leyte kung saan tatlong estudyante ang nasawi habang marami naman ang malubhang nasugatan.

Aminado si Cayton na kulang ang kapangyarihan ng kasalukuyang PTA (ang asosasyon ng mga magulang at guro sa loob ng paaralan) para mapigilan ang ano mang karahasan sa loob ng mga paaralan kabilang na dito ang patuloy na bullying ng isang mag-aaral sa kapwa nito estudyante kaya nararapat lamang aniya na mas pagtibayin (strengthen) ang PTA.

Nauna rito, kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang SONA na higit pang palakasin ang proteksyon sa mga mag-aaral matapos ang trahedya sa Tacloban.

Isinusulong ni Cayton ang isang panukalang magpapalakas sa ugnayan ng mga paaralan, mga magulang at ng buong komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat batang Pilipino.

Sa kanyang SONA, binigyang-diin ng Pangulo na ang pagprotekta sa mga kabataan ay isang sama-samang responsibilidad ng pamahalaan, pamilya, paaralan, simbahan, industriya, at komunidad at nanawagan ng mas matibay na pagkilos laban sa mga banta sa kapakanan ng mga mag-aaral.

Magugunitang inihain ni Cayton ng House Bill No. 10097 o ang PTCA Institutionalization Act na naglalayong gawing permanente at mas organisado ang Parent-Teacher-Community Association (PTCA) system sa buong bansa.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng mas malinaw na papel ang mga magulang at komunidad sa pagpapaigting ng learner welfare, child protection, at school governance. Magtatatag din ng mga City, Municipal, at Provincial PTCA Federations upang mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders sa edukasyon.

“Hindi sapat na ang paaralan lamang ang kumikilos. Ang kaligtasan ng ating mga anak ay pananagutan nating lahat. Kapag mas malakas ang ugnayan ng mga magulang, guro, komunidad, at lokal na pamahalaan, mas nagiging handa tayo sa pagtugon sa mga suliranin at mas napapalakas natin ang proteksyon sa bawat mag-aaral,” ani Cayton.

Ipinaliwanag ni Cayton na napakahalaga na magkaroon ng papel ang mga magulang sa anomang “decision making” sa loob ng isang paaralan sa halip na ang magiging tungkulin lamang nila ay lumahok sa mga usapin o pagpupulong kung papaano pagagandahin ang paaralang pinapasukan ng kanilang mga anak.

Pagbibigay diin ni Cayton na importanteng magkaroon din ng partisipasyon ang mga magulang sa pagbabalangkas ng mga plano para mapanatili ang kaayusan ng seguridad sa loob ng isang paaralan.

Ayon pa sa mambabatas, ang layunin din ng panukala na tiyaking ang mga paaralan ay hindi lamang sentro ng pagkatuto, kundi mga lugar kung saan ang bawat bata ay maaaring pumasok nang may kapanatagan, matuto nang ligtas, at makauwi sa kanilang pamilya araw-araw.