Tulfo3

Tulfo pinaiimbestigahan ilegal na wastewater disposal

32 Views

NAGHAIN si Sen. Raffy Tulfo ng resolusyon upang imbestigahan ng Senado ang ilegal na pagtatapon ng wastewater at hindi wastong pamamahala ng basurang mula sa mga septic tank sa buong bansa.

Inaatasan sa Proposed Senate Resolution No. 541 ang Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change na suriin ang koleksiyon, treatment, transportasyon at pagtatapon ng septic waste ng mga lokal na pamahalaan, water districts at private operators.

“Ang mga kamakailang ulat ay nagpapakita ng seryosong suliranin sa pamamahala ng septage waste sa buong bansa, kabilang ang wastong koleksiyon, transportasyon, at pagtatapon ng mga basurang mula sa septic tank ng mga lokal na pamahalaan, water districts, at mga pribadong operator,” ani Tulfo.

Binanggit sa resolusyon na humigit-kumulang 2,000 cubic meters ng spent solvents, 22,000 tonelada ng heavy metals, infectious wastes, biological sludge, lubricants at intractable wastes at 25 milyong cubic meters ng acid at alkaline liquid wastes ang hindi wastong naitatapon sa Metro Manila bawat taon.

Noong Hulyo, nagsiyasat ang Laguna Lake Development Authority matapos makatanggap ng mga ulat tungkol sa fish kill, mabahong amoy, posibleng paglabag sa mga batas pangkalikasan at masamang epekto sa mga kalapit na komunidad at mangingisda.

Kabilang sa mga ulat ang umano’y hindi awtorisadong wastewater discharge na kaugnay ng isang water infrastructure project sa Laguna de Bay. Hindi sinabi sa resolusyon na napatunayan ng ang discharge ang sanhi ng fish kill.

Noong Hulyo 18, nakakita ang mga awtoridad ng radioactive materials, kontaminadong production equipment, industrial dust, slag, wastewater, transport vehicles, environmental samples at mga residues ng produktong bakal sa steel plant sa Magalang, Pampanga, ayon sa resolusyon.

Ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources ang pasilidad at inirekomenda ang pagsasampa ng mga kaso dahil sa umano’y paglabag sa Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act, Philippine Clean Air Act of 2004 at iba pang batas pangkalikasan.

Binanggit din sa resolusyon ang plano ng Metropolitan Manila Development Authority na gumamit ng closed-circuit television cameras sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy upang ipatupad ang mga patakaran laban sa ilegal na pagtatapon ng basura.

Layunin ng imbestigasyon na alamin kung sapat ang kasalukuyang enforcement at monitoring measures upang mapigilan ang ilegal na wastewater discharge at matiyak ang wastong pamamahala ng septage.