CCTV Larawan mula sa Sol Aragones/FB

CCTVs ilalagay ng Laguna para lumakas disaster monitoring

Gil Aman Sep 19, 2026
123 Views

PLANO ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna na maglagay ng mga high-definition closed circuit televisions (CCTVs) sa ilang bayan para sa disaster monitoring.

Nagsagawa ng koordinasyon ang Laguna Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kasama ang mga Municipal DRRMO ng Siniloan, Mabitac at Santa Maria hinggil sa nakatakdang paglalagay ng CCTVs sa mga estratehikong lugar.

Layunin ng sistema na magkaroon ng real-time monitoring upang mas mapabilis ang pagtugon sa mga emergency, partikular sa panahon ng kalamidad at iba pang insidente.

Maaari rin itong gamitin sa pagsubaybay sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada, gayundin bilang karagdagang seguridad laban sa kriminalidad at iba pang banta sa pampublikong kaligtasan.

Ang mga CCTV camera ay direktang nakakonekta sa Laguna Operations Center na magsisilbing sentro ng monitoring at koordinasyon ng provincial government at mga local government unit.

Bahagi ito ng hakbang tungo sa paggamit ng makabagong teknolohiya upang maging mas ligtas, mabilis umaksyon at disaster-ready ang Laguna.