Chinese1 Ang babaeng Chinese national na nagpapanggap na Pinay na inaresto ng mga ahente ng NBI at tauhan ng Bureau of Immigration sa NAIA.

Chinese nat’l nagpanggap na Pinay, huli sa NAIA

Jon-jon Reyes Jul 29, 2025
339 Views

INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng Chinese na galing sa Guangdong, China, at nagpakilalang Filipina.

Ang dayuhang si Wang Xiujun ay nagpakilalang Filipina gamit ang pangalang Cassia Palma Poliquit.

Batay sa imbestigasyon ng NBI-Cavite District Office, gumagamit si Wang ng Philippine passport na inisyu ng Office of Consular Affairs ng Department of Foreign Affairs at may Certificate of Live Birth sa pamamagitan ng late registration.

Batay pa sa mga dokumentong nakalap mula sa Securities and Exchange Commission, nakapagtayo ng iba’t ibang kompanya sa Pilipinas ang suspek gamit ang pangalan bilang Filipino.

Sa kabila nito, siya ay Chinese national na may Special Investor’s Resident Visa na na-verify sa Board of Investments.

Sa isinagawang fingerprint examination and analysis ng NBI Dactyloscopy Division, nakita na ang fingerprint ni Wang at ni Poliquit ay iisa lamang.

Matatandaang ganito rin ang isyu na kinasangkutan ni dating Bamban Mayor Alice Guo.

Ayon sa NBI, si Wang ay kinasuhan sa Prosecutor’s Office ng Taguig City ng paglabag sa Immigration Law, partikular ang misrepresentation bilang Filipino, paglabag sa limitasyon ng paninirahan sa bansa at pagiging undesirable alien.