Martin2

Speaker Romualdez: Magtatayo tayo ng ekonomiya para Pinoy di lang buhay, kundi tagumpay

339 Views

TUTUTUKAN ng Kamara de Representantes ang mga agarang pangangailangan ng karaniwang Pilipino sa 20th Congress gaya ng pagkain, trabaho, edukasyon, at pampublikong kalusugan.

“We will build an economy not just for the top 1%, but for the struggling 99% — an economy where ordinary people don’t just survive, they succeed,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng sesyon ng plenaryo nitong Martes.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na layunin ng Kamara na mapalapit ang pamahalaan sa taumbayan sa pamamagitan ng pag-akma ng agenda nito sa mga prayoridad na inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).

“Ang Kongreso ay hindi dapat maging tahanan ng mga pribilehiyo, kundi sandigan ng pangkaraniwang Pilipino,” ani Speaker Romualdez.

Ipinresenta niya ang mga pangunahing sektor na bibigyang-prayoridad ng Kamara sa bagong sesyon, simula sa seguridad sa pagkain.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ipapasa ng Kamara ang Rice Industry and Consumer Empowerment Act o RICE Act upang matiyak ang matatag na suplay ng abot-kayang bigas habang pinoprotektahan ang mga magsasaka laban sa pagsasamantala.

Dagdag pa niya, kailangang wakasan ang smuggling, hoarding, at manipulasyon sa presyo sa pamamagitan ng mas mahusay na pagpapatupad ng batas at mga reporma sa agrikultura.

“Sa bayan ng masisipag na magsasaka, walang karapatang magutom ang mamamayan,” ani Speaker Romualdez.

Inihayag din niya ang mga plano para palawakin ang irigasyon at mga pasilidad sa pag-ani, kasabay ng modernisasyon ng agrikultura upang ito’y maging mas kapaki-pakinabang.

Ayon sa Speaker, i-institutionalize din ng Kamara ang Walang Gutom Program sa pambansang badyet para sa 2026 sa pamamagitan ng buwanang electronic food credits para sa mga pamilyang nasa panganib.

Sa usapin ng trabaho, sinabi ni Speaker Romualdez na kailangang makalikha ang batas ng marangal at pangmatagalang kabuhayan, partikular sa pamamagitan ng suporta sa maliliit na negosyo, mga programa ng TESDA, at access sa puhunan.

Sinusuportahan din niya ang pagtutulak ng Pangulo na paunlarin ang mga industriya tulad ng automotive, electronics, biotechnology, at construction upang makalikha ng mga trabaho para sa hinaharap.

“Ang trabaho ay hindi lamang kabuhayan. Kakambal nito ang dangal, ito ang kinabukasan,” aniya.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang layunin ng Kamara ay bumuo ng ekonomiyang mag-aangat sa 99 porsyento ng mamamayan. Aniya, dapat labanan ng mga mambabatas ang mga sistemang nakikinabang lamang ang iilang mayayaman at tiyakin na nakikinabang sa pag-unlad ang karaniwang manggagawa at pamilya.

Sa edukasyon, nangako siya na tutugunan ang agwat ng oportunidad para sa mga batang nasa liblib at mahihirap na lugar sa pamamagitan ng pagpasa sa Last Mile Schools Act at pag-amyenda sa E-GASTPE Law.

Nangako rin ang Speaker na palalawakin ang ARAL Program at palalakasin ang mental health support sa mga paaralan.

“Ang edukasyon ay hindi dapat premyo sa may kaya, kundi karapatan ng bawat bata,” giit niya.

Tungkol naman sa kalusugan, muling iginiit ni Speaker Romualdez ang layunin ng Kamara na magkaroon ng zero billing at tanggalin ang out-of-pocket expenses sa lahat ng pampublikong ospital.

Aniya, sasabayan ito ng deployment ng mas maraming health workers sa mga malalayong lugar at pagpapabuti ng access sa pangunahing gamot.

“Ang tunay na malasakit ay nasusukat sa oras ng pangangailangan. Sa ospital ng gobyerno, walang dapat maghirap para lang mabuhay,” aniya.

Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez na isa sa mga pangunahing prayoridad ng Kamara ay ang kapayapaan at kaayusan, kung saan ang mga batas ay dapat magtiyak hindi lang ng kawalan ng kaguluhan kundi pati ng katarungan at oportunidad.

Kasama rito ang suporta sa mga lokal na konseho ng kapayapaan at kaayusan, pagpapatupad ng batas, at pambansang elektripikasyon.

“Kapag may kapayapaan, may kinabukasang tiyak,” aniya.

Nangako rin siya na bibigyang-prayoridad ang modernisasyon ng depensa at katatagan sa harap ng sakuna, dahil kailangang protektahan ang buhay, hindi lang ang teritoryo.

Sinang-ayunan din ni Speaker Romualdez ang panawagan ng Pangulo para sa kumpletong elektripikasyon ng mga kabahayan sa buong bansa pagsapit ng 2028, at nangakong maglalaan ang Kamara ng pondo para matugunan ito.

Tungkol naman sa pamamahala, nanawagan ang Speaker para sa isang mas tumutugon at episyenteng burukrasya. Aniya, magpapasa ang Kamara ng mga batas para i-digitalize ang mga serbisyo, alisin ang red tape, at gawing propesyonal ang public service.

“Hindi na sapat ang ‘puwede na.’ Ang kailangan ng Pilipino: mabilis, maayos at may malasakit na serbisyo,” aniya.

Hinimok ni Speaker Romualdez ang mga mambabatas na gawing makasaysayan ang Kongresong ito—hindi lamang sa dami ng mga batas na maipapasa, kundi sa mga buhay na mababago.

“Let the 20th Congress be a turning point — not just in the laws we pass, but in the lives we changed,” aniya.

Dagdag pa niya, hindi sapat ang mga batas na maganda lamang sa papel kung wala namang epekto sa tunay na buhay ng mamamayan.

“Hindi sapat ang mga batas na mahusay. Kailangang ito ay may puso. Hindi sapat ang batas na maganda sa papel — dapat ito’y may saysay sa buhay,” ani Speaker Romualdez.

Tinapos ni Speaker Romualdez ang kanyang talumpati sa isang panawagan sa pagkilos, at hinimok ang kanyang mga kapwa mambabatas na magpasa ng batas na may malasakit at buuin muli ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.

“We are the House of the People. Let us be remembered for being worthy of that name,” aniya.