Ortega House Deputy Speaker Paolo Ortega V

Ortega kay Frasco: Magbigay trabaho, wag lang puro promo

309 Views

NANAWAGAN si House Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V sa Department of Tourism (DOT) na magpakita ng konkretong resulta sa paglikha ng trabaho at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya.

Ito’y sa kabila ng umano’y kakulangan ng ahensya sa paghatid ng tunay na benepisyo, sa kabila ng malaking pondo nito at malawakang promotional campaign, aniya.

Ayon kay Ortega, malinaw man ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa trabaho at pananagutan ng mga ahensya ng gobyerno, marami pa ring dapat patunayan ang DOT—lalo na matapos ang sunod-sunod na bagyong nagdulot ng matinding pinsala sa La Union at iba pang lugar na dinarayo ng turista.

“La Union, or Elyu as many know it, is driven by tourism and agriculture. But after enduring severe weather disturbances, our people are struggling to get back on their feet. They need work, not just words. The DOT must deliver results that reach local communities,” ayon kay Ortega.

Ayon pa sa kongresista, ang hindi pagkakasama ng DOT sa ika-apat na SONA ng Pangulo ay nagpapakita na kailangan nitong pagbutihin ang trabaho at magpakita ng malinaw na pag-unlad na makatutulong sa pagbangon ng bansa.

“President Bongbong Marcos has made performance the standard. Agencies must do more than promote. They must produce. Tourism must help revive local economies and create sustainable jobs,” giit ni Ortega.

Sa kabila ng matinding promosyon sa pandaigdigang merkado at magastos na rebranding campaign, patuloy na naiiwan ang Pilipinas sa likod ng mga karatig-bansa sa ASEAN pagdating sa dami ng turistang bumibisita at sa pagbangon mula sa pandemya.

Noong 2024, naitala lamang sa 5.95 milyon ang tourist arrivals sa bansa—malayo sa pre-pandemic peak na 8.26 milyon noong 2019.

Samantala, tumanggap ang Thailand ng 35.5 milyong turista, Malaysia ng 25 milyon, Vietnam ng 15.5 milyon, Indonesia ng 13.9 milyon at Cambodia, 6.7 milyon.

Maging sa kita mula sa turismo ay naiwan din ang Pilipinas. Bagama’t iniulat ng DOT na umabot sa P760.5 bilyon o tinatayang $13.1 bilyon ang kita noong nakaraang taon, malayo ito sa $39 bilyon ng Thailand at $16 bilyon ng Vietnam.

“These numbers tell a story. We are attracting fewer tourists, and those who do come are spending less,” sinabi ni Ortega. “That’s a red flag for millions of Filipino workers who depend on tourism, especially in the provinces.”

Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 9 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa ang galing sa turismo at sumusuporta ito sa mahigit 5 milyong trabaho.

Nagbabala si Ortega na kung hindi maghahatid ng konkretong resulta ang DOT—lalo na sa antas ng komunidad—mananatiling hindi pantay at kulang ang pagbangon ng sektor.

“This is no longer just a tourism issue. It’s an economic justice issue,” ayon kay Ortega. “We in the provinces cannot be an afterthought. Every peso must count. Every program must deliver.”

Nanawagan si Ortega kay Tourism Secretary Christina Frasco na muling suriin ang estratehiya ng ahensya upang matiyak na makikinabang sa recovery efforts ang maliliit na negosyo, lokal na manggagawa at mga komunidad na higit na nangangailangan.

“Our people are doing their part. It’s time for the DOT to do the same. We don’t need more ribbon cuttings. We need action, we need results, and we need them now,” panawagan ni Ortega.