Calendar
LTO nag-waive ng multa sa late registration sa lugar na binagyo
NAG-utos ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, na i-waive ang multa para sa late registration ng sasakyan at renewal ng driver’s license sa mga lugar na matinding tinamaan ng kalamidad.
Batay sa memorandum na nilagdaan ni Acting Assistant Secretary Atty. Greg G. Pua, Jr., sakop nito ang weekly surcharge para sa late motor vehicle registration at driver’s license renewal mula Hulyo 21 hanggang 25.
“Ang bisa ng vehicle registration at driver’s license na sakop ng petsang Hulyo 21–25 ay pinalawig hanggang Agosto 8, 2025,” ayon sa memorandum.
Sa parehong memo, binanggit din ni Pua na hindi na rin ipapataw ang multa para sa mga sasakyang nabili (kasama na ang motorsiklo) mula Hulyo 21 hanggang 25 ngunit hindi nairehistro sa takdang panahon.
Nilinaw din ni Pua na ang bilang ng araw batay sa Sales Invoice para sa mga nabanggit na sasakyan ay magsisimula na lamang sa Agosto 8, 2025, upang maiwasan ang anumang parusa para sa late registration ng mga bagong sasakyan.
Bilang karagdagang tulong sa mga apektadong motorista, sinabi ni Pua na pinalawig din ang 15-araw na palugit para sa pag-areglo ng lahat ng traffic apprehensions na may petsang Hulyo 21–25.

