Calendar
Chua: Di pa tapos ang laban
TALO umano ang mga Pilipino sa hakbang ng Senado na i-archive ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil sila ay napagkaitan na makita ang mga ebidensya at magkaroon ng pananagutan ang mga matataas na opisyal ng gobyerno.
“Ang na-deny po ng due process dito ay ang taumbayan,” ani Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sa isang press conference.
Ipinahayag din ni House Deputy Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang parehong sentimyento sa nasabing media briefing.
“The clamor for accountability is the victim of these actions that we have seen yesterday (Wednesday) at the Senate,” ani Adiong.
Sinabi ni Chua na hindi pa tapos ang laban at umaasa siyang aaksyunan ng Korte Suprema (SC) ang motion for reconsideration na inihain ng House of Representatives upang mabigyan ng due process ang sambayanang Pilipino.
“Sa amin pong paniniwala, hindi pa po tapos ang laban. Tayo po ay patuloy pa ring umaasa na mabibigyan ng due process [ang taumbayan],” ani Chua.
“Kaya tayo po ay umaasa na ito po ay pakikinggan tayo, lalong-lalo na po ‘yung motion for reconsideration na amin pong inihain sa Korte Suprema,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Adiong na hindi na siya nagulat sa naging desisyon ng Senado, binanggit ang umiiral na political alignments sa institusyon, ngunit inamin na siya ay nadismaya at may mga naging malinaw na pag-amin sa naging proseso.
“Well, when I was watching actually what was being discussed and debated on yesterday (Wednesday), it came not as a surprise para po sa akin considering the political alignments in the Senate,” ani Adiong.
“But it was kind of—there was a revelation. To some degree, disappointing kung ako ang tatanungin mo,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Adiong na ang motion to archive ay binagong bersyon ng orihinal na mosyon na i-dismiss ang reklamo, na nagpapakita umano ng malinaw na intensyong isantabi ang kaso kahit may isinasagawang pagrebisa ang Korte Suprema.
“Remember, the motion to archive is actually the product of an amendment to the original motion which was to dismiss,” aniya.
“So if you look at the pattern, even previously when they already had the initial discussion about whether or not Senate would continue on with the impeachment proceedings, meron na pong intention really to dismiss the case,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Adiong na malinaw sa mabilis na aksyon ng Senado ang kanilang layunin, lalo pa’t wala namang pinal na desisyon mula sa korte.
Binigyang-diin niya na nakapaghain na ang Kamara ng motion for reconsideration sa SC, kaya’t nananatiling bukas at hindi pa tapos ang impeachment process.

