OFW

Speaker Romualdez pinuri PBBM sa pagsama ng OFW sa 4PH

302 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsama ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyong Marcos, na aniya’y isang patunay ng hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabuti ang buhay ng mga tinaguriang makabagong bayani ng bansa.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag matapos ianunsyo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na kasama na ang mga OFW sa socialized housing program sa ilalim ng pinalawak na 4PH, anuman ang kanilang buwanang kita.

“This latest move shows that the President is sincere in his mission to give back to our OFWs, who have sacrificed so much for their families and for the country. By including them in this housing initiative, we are not only addressing a basic need—we are also acknowledging their immense contribution to the nation,” ani Romualdez.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang pagkakasama ng mga OFW sa programa ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang saklaw ng pangunahing housing initiative ng pamahalaan upang mas maraming Pilipino ang makinabang—lalo na ang mga nagtitiis magtrabaho sa ibang bansa para maitaguyod ang kanilang mga pamilya.

“As of 2023, there are about 2.16 million OFWs across the globe who work tirelessly to send remittances home—contributions that not only support their families but also bolster the Philippine economy,” ani Romualdez.

“Marami sa kanila ang walang sariling bahay at patuloy na nangangarap na makapundar ng tahanan para sa kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng Expanded 4PH, mas napapalapit tayo sa katuparan ng pangarap na ito,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.

Ayon sa Pag-IBIG Fund Circular No. 473, kwalipikadong mag-apply para sa pabahay sa ilalim ng 4PH ang mga OFW basta’t sila ay aktibong miyembro ng Pag-IBIG, first-time homebuyer, at hindi hihigit sa 65 taong gulang sa oras ng aplikasyon. Kailangang matiyak din na sila ay insurable hanggang sa matapos ang termino ng loan, na hindi dapat lumampas sa edad na 70.

Nagbibigay rin ang pinalawak na programa ng abot-kayang financing, kung saan lahat ng socialized housing units—maging vertical o horizontal—ay maaaring i-avail sa pamamagitan ng subsidized interest rates sa loob ng hanggang 10 taon. Bukod dito, may karagdagang subsidiya mula sa pamahalaan upang higit pang mapababa ang buwanang bayarin ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

Halimbawa, ang isang horizontal unit na nagkakahalaga ng P850,000 ay magkakaroon na lamang ng buwanang amortization na P3,583—mula sa dating P5,233.

Samantalang ang isang vertical unit na may halagang P1.5 milyon ay babayaran na lang ng P6,234 kada buwan, kumpara sa karaniwang P9,235.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagsasama ng OFWs sa 4PH ay isang malaking hakbang para gawing mas inklusibo at abot-kaya ang mga socialized housing program ng bansa, lalo na para sa mga pamilyang nasa mababa at gitnang antas ng kita.

Hinikayat din niya ang DHSUD na patuloy na palawakin at pagbutihin ang saklaw at benepisyo ng 4PH upang matugunan ang housing backlog ng bansa, na tinatayang tataas mula 6.5 milyon ngayon hanggang 22 milyon pagsapit ng 2040.

“Nananatiling mataas ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na walang sariling tirahan. Kahit may hanapbuhay, kulang pa rin ang kita para makabili ng bahay. Kaya’t tungkulin naming mga lingkod-bayan na gumawa ng mga paraan upang maibigay sa kanila ang oportunidad na magkaroon ng disente at matibay na tahanan,” paliwanag ni Romualdez.

Tiniyak din ng mambabataas kay Pangulong Marcos ang buong suporta ng pamunuan ng Kamara para paglikha ng batas at badyet na magpapalawak sa oportunidad ng homeownership para sa mas maraming Pilipino.

“Sa pagtataguyod natin ng Bagong Pilipinas, tungkulin natin na itaas ang dignidad at kalidad ng buhay ng ating mga kababayan. Ang pambansang pabahay ay isang mabisang paraan upang madama ng mga Pilipino na kasama nila ang pamahalaan sa pagtupad ng kanilang mga pangarap,” giit pa ni Romualdez.