Calendar
Chua pinalutang posibilidad na Quiboloy, KOJC posibleng maharap sa kasong syndicated estafa
PINALUTANG ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang posibilidad na maharap sa kasong syndicated estafa ang nakakulong na televangelist na si Apollo Quiboloy at ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kung totoo ang alegasyon na kanilang ginamit ang nakolektang donasyon para tustusan ang marangyang pamumuhay ng kanilang mga lider.
Lumabas ang usapin sa isinagawang motu proprio investigation ng House Committee on Justice kaugnay ng halos limang dekada nang umiiral na extradition law ng bansa.
Ayon kay Committee chair Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, layon ng mga pagdinig na repasuhin ang Presidential Decree 1069 o ang Philippine Extradition Law of 1977, at ang 1994 Philippines-United States extradition treaty upang tugunan ang mga kalabuan at palakasin ang legal na balangkas ng bansa.
Hinimok ni Chua ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na suriin kung ang mga fundraising activity ng KOJC ay maaaring humantong sa karagdagang kaso.
“Hindi ba nagso-solicit sila ng help sa ibang bansa? Tapos sasabihin nila gagamitin para makatulong sa mga nangangailangan dito sa ating bansa. But apparently nakikita natin may helicopter, may high-end sasakyan, at kung ano pang high-end living,” ani Chua.
“So in a way, ang purpose kung saan nag-solicit sila dapat supposedly pantulong pero sa iba nagagamit,” dagdag pa niya.
Si Quiboloy, na sinasabing siya ang “Appointed Son of God” at matagal nang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ay nahaharap sa mga kaso ng child abuse at trafficking sa Pilipinas, pati na rin sa mga kasong sex trafficking, fraud, at bulk cash smuggling sa Estados Unidos.
Kasalukuyan siyang nakakulong sa Pasig City Jail habang hinihintay ang proseso kaugnay ng posibleng kahilingan ng U.S. para sa kanyang extradition.
Ayon sa isang kinatawan ng AMLC, pinagbigyan ng Court of Appeals ang kanilang mga petisyon para sa bank inquiry at freeze orders na may kaugnayan sa tatlong kaso laban kay Quiboloy — isa sa U.S., isa sa Quezon City, at isa sa Pasig City.
“All three cases, Your Honor, were favorably granted by the Court of Appeals,” ayon sa kinatawan ng AMLC. “We carried out the financial investigation that led us to come up with a case for the filing of a petition for civil forfeiture.”
Bilang tugon sa tanong ni Chua, kinumpirma ng AMLC na ang estafa, kabilang ang syndicated estafa, ay isa sa mga predicate offense para sa money laundering sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
“Estafa is one of the predicate offenses to money laundering and it can be the basis for the conduct of financial investigation and eventual filing of cases by the AMLC,” pahayag ng opisyal.
Nilinaw naman ng AMLC na ang kanilang kasalukuyang aksyon gaya ng bank inquiries, freeze orders, at ang nakatakdang civil forfeiture case — ay nakabatay sa mga kasong may kaugnayan sa trafficking sa parehong U.S. at Pilipinas, at hindi sa estafa.
Matagal nang inaakusahan ang KOJC na nagpapadala ng mga miyembro sa ibang bansa upang mangalap ng donasyon upang itulong umano sa mga mahihirap sa Pilipinas, ngunit ayon sa mga awtoridad, ang pera ay napupunta umano sa kaban ng simbahan at ginagamit upang tustusan ang marangyang pamumuhay ni Quiboloy.

