Calendar
Pagbubuo ni PBBM ng independent body suportado ng House Committee on Metro Manila Development
SUPORTADO ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio ang naging hakbang ni President Ferdinand “Bonbong” R. Marcos, Jr. para bumuo ng isang independent body na magsisiyasat sa mga anomalya sa flood control projects.
Binigyang diin ni Asistio na ang executive order na inilabas ng Malakanyang na nagtatatag ng independent commission ay nagpapakita sa determinasyon ng pamahalaan para sawatain ang korapsiyon sa mga flood control projects.
Dahil dito, sinabi ni Asistio na nakikiisa at sinusuportahan ng kaniyang Komite ang layunin ni President Marcos, Jr. na magkaroon ng independent commission na ang pangunahing tungkulin ay imbestigahan ang nasabing katiwalian.
Naniniwala ang kongresista na hindi lamang pagsisiyasat ang gagawin ng independent commission. Bagkos, pati na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga contractors at mga kasabwat nito sa pagmamanipula ng bidding para sa flood control projects.
Ayon pa kay Asistio, ang isinasagawang imbestigasyon ng Kamara de Representantes sa pangunguna ng Infrastructure Committee (InfraComm) ay para makapag-balangkas ng mga panukalang batas at bungkalin ang katotohanan.
“The Tri-Committee on Public Accounts, Public Works and Public Accountability has separate and distinct mandate from that of the independent body to be created by the Executive Department. The kernel of the inquiry is to gather relevant information,” ani Asistio.
Paglilinaw pa ni Asistio na ang isinasagawang imbestigasyon ng Kamara ay obligasyon umano ng mga kongresista para alamin ang katotohanan kaugnay sa mga flood control projects.

