Calendar
Confidential funds ginamit ni VP Sara para sa kaniyang political plan sa 2028 elections — Adiong
GINAMIT umano ni Vice President Sara Z. Duterte ang confidential funds para sa pagpapalakas at pagpapaangat ng kaniyang political image bilang paghahanda para sa 2028 presidential elections.
Ito ang ipinukol na akusasyon ni House prosecution team spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na posibleng nagamit umano ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) hindi lamang para sa mga lehitimong lihim na operasyon ng pamahalaan kundi para rin sa mga aktibidad na nakatulong sa pagpapalakas ng political image at mga plano ni VP Sara.
Ang pahayag ni Adiong ay kasunod ng testimonya ng Commission on Audit (COA) State Auditor Xylene Del Campo sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay Adiong, kahina-hinala ang ilan sa mga aktibidad na isinama ng OVP sa liquidation ng confidential funds.
“Sa aking palagay, parang connected dito sa pagkikilala at pangangampanya ng VP. Christmas party at Knights of Rizal activity, isinama sa liquidation,” wika ni Adiong.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Del Campo na kabilang sa mga aktibidad na isinama ng OVP sa liquidation ng confidential funds ang Christmas activities, event ng Knights of Rizal, thanksgiving at coordination meetings, tree planting, gift-giving at medical missions.
Kinuwestiyon ni Adiong kung paano maituturing na confidential o lihim na operasyon ang ilan sa mga naturang aktibidad.
“Paano magiging confidential in nature ang Christmas party?,” tanong ni Adiong.
Kinuwestiyon din ni Adiong kung paano magiging confidential activity ang isang pakikipag-ugnayan o coordination meeting sa Knights of Rizal.
Ayon kay Del Campo, ang mga naturang aktibidad ay hindi kabilang sa mga pinapayagang gastusan sa ilalim ng Joint Circular na nagtatakda ng mga alituntunin sa paggamit ng confidential funds.
Isa pang napansin sa audit, ayon kay Del Campo, ay ang timing ng ilang aktibidad.
Sinabi niyang may mga aktibidad na isinagawa mula Disyembre 13 hanggang 18, 2022, samantalang ang cash advance para sa confidential funds ay sumaklaw lamang sa Disyembre 21 hanggang 31.
Para kay Adiong, mahalagang tanong kung paano nagastos ang confidential funds para sa isang aktibidad na isinagawa bago pa man mailabas ang naturang pondo.
“Ang only way you can actually conduct an activity… ang gagastusin mo is ang confidential funds na hindi nauuna muna ang aktibidad bago pa i-release ang pera,” paliwanag niya.
Dahil dito, sinabi ni Adiong na posibleng ni-reimburse ang mga gastusing hindi saklaw ng pinapayagang paggamit ng confidential funds.
