Lacson1

Lacson humihiling ng Senate probe sa EDSA repairs matapos lumitaw ang mga lubak

153 Views

HUMIHILING si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng imbestigasyon ng Senado sa rehabilitation at repair ng EDSA matapos lumitaw ang mga lubak sa ilang bahaging kamakailan lamang inayos habang patuloy ang mga pag-ulan dulot ng habagat.

Sa Senate Resolution No. 594, hiniling ni Lacson sa Senate Committee on Public Works na rebyuhin ang design at engineering standards na ginamit sa mga proyekto at suriin kung nasunod ng mga contractor ang mga kaukulang requirement.

Ang unang phase ng EDSA Rehabilitation Project, mula Roxas Boulevard hanggang Orense Street, ay iginawad sa Readycon Trading & Construction Corp. sa halagang P1.183 bilyon noong Disyembre 24, 2025. Inilabas ang notice to proceed noong Enero 6, 2026.

Inanunsyo ng Department of Public Works and Highways noong Abril na natapos ang unang phase dalawang buwan bago ang itinakdang iskedyul.

Ang ikalawang phase, mula Orense Street hanggang Monumento sa magkabilang direksyon, ay iginawad sa joint venture ng Readycon at Dumduma Construction & Trading Corp. Nilagdaan ang P4.009-bilyong kontrata noong Hunyo 4 at inilabas ang notice to proceed noong Hunyo 8.

Binanggit ni Lacson ang pondong inilaan sa ilalim ng DPWH Asset Preservation Program at kinuwestiyon kung bakit nagkaroon ng mga lubak ang ilang bahaging kamakailan lamang inayos sa EDSA.

“For nearly a week, persistent southwest monsoon (habagat) rains have drenched parts of Luzon, including Metro Manila; damaging several main thoroughfares, including recently rehabilitated sections of EDSA. The presence of fresh potholes means the newly repaired avenue will already require another round of maintenance,” sinabi ni Lacson sa resolusyon.

Binanggit din sa resolusyon ang inspeksyon ni DPWH Secretary Vivencio “Vince” Dizon sa mga bagong rehabilitated na bahagi ng EDSA kung saan lumitaw ang mga lubak.

“Dapat na-anticipate natin ito ah. Barado eh, oh?” sinabi ni Dizon sa inspeksyon, ayon sa resolusyon.

Tinukoy ni Lacson ang Section 8 ng Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act, na ayon sa kanya ay nagtatakda ng detailed engineering investigations, surveys at designs bago isailalim sa bidding at igawad ang mga infrastructure project.

Binanggit din niya ang Section 90(b), na ayon sa kanya ay nagtatakda ng defects-liability period kung kailan kailangang sagutin ng contractor ang mga kwalipikadong repair na may kaugnayan sa inferior materials, construction defects o paglabag sa terms ng kontrata.

Sinabi ni Lacson na dapat rebyuhin sa imbestigasyon ang mga pamantayan ng DPWH at alamin kung nasunod ng mga contractor ang design at engineering requirements ng mga proyekto.