Calendar
Atty. Lorna Kapunan
Kuha ni JOSEPH MUEGO
‘CONFIDENTIAL SCAM’
Kapunan tinawag na ‘scam vs the people’ ‘maling’ gamit sa confi funds ni VP Sara
TINAWAG nitong Martes ng beteranong abogado na si Lorna Kapunan ang umano’y maling paggamit sa confidential funds ni Vice President Sara Z. Duterte bilang ‘scam against the people’ o ‘panlilinlang sa taumbayan.’
Ang kanyag pahayag ay batay sa mga natuklasan ng Commission on Audit (COA) na kumukuwestiyon kung nagamit ba ang pondo ng bayan sa mga idineklarang layunin nito at kung sapat ang mga dokumentong sumusuporta sa naturang mga paggasta.
Ginawa ni Kapunan, counsel ng House prosecution panel, ang pahayag habang pansamantalang itinigil ang pagtestigo ni COA auditor Roderick Wamil sa harap ng Senate Impeachment Court.
Ang pagdinig ay may kaugnayan sa P500 milyong confidential funds na inilabas sa Office of the Vice President (OVP) at sa P112.5 milyong confidential funds na natanggap ng Department of Education (DepEd) noong panahong sabay na nanungkulan si Duterte bilang Kalihim ng Edukasyon.
“Ang ini-scam ay ang taong-bayan. Ang halaga ng scam na ‘yan ay P612 milyon,” ani Kapunan sa mga mamamahayag.
Inihalintulad niya ang umano’y maling paggamit ng pondo sa isang anak na humihingi ng pera sa magulang para bumili ng libro ngunit ginagamit ito sa ibang bagay.
“Kapag humingi ka sa nanay mo, ‘Mommy, penge’ng P5,000, bibili ako ng libro.’ Hindi mo ginamit para sa libro. Ginamit mo, bibili ka ng makeup o nag-date ka. Anong tawag doon? In-scam mo ang nanay mo,” aniya.
Ayon kay Kapunan, ang paulit-ulit na paggamit ng pera sa layuning iba sa idineklara ay maituturing na panlilinlang.
“Kapag paulit-ulit ‘yan at hindi mo ginamit ang pera sa sinabi mong paggagamitan nito, ang tawag doon ay scam,” aniya.
Ipinaliwanag ni Kapunan ang naturang pahayag matapos siyang tanungin ng mga mamamahayag, kasunod ng pag-alis sa opisyal na rekord ng pagdinig ng katulad niyang pahayag sa pagtatapos ng direktang pagtestigo ni Wamil, matapos tumutol ang abogado ni Duterte na si Michael Poa.
Ayon kay Kapunan, ang pangunahing usapin ay hindi ang mga alyas o pangalang nakalagay sa mga acknowledgment receipt kundi kung maayos bang naipaliwanag ang paggasta ng pondo at kung may sapat na ebidensiyang sumusuporta rito.
“Hindi naman natin binibigyang-diin ang mga pangalan. Ang itinuturo natin ay ang halaga ng ginastos at kung saan ito ginamit. Wala namang mga resibo,” aniya.
Tinukoy niya ang mga gastusing iniulat para umano sa mga gamot, supplies, at safe houses at kinuwestiyon kung may mga dokumentong nagpapatunay na tunay ngang doon napunta ang mga pondo.
“Kahit sino pa ang pangalang nakalagay, saan ba talaga ginamit? Ano ang ebidensiya na ginamit ito sa medicines? Ano ang ebidensiya na ginamit ito sa supplies? Ano ang ebidensiya na ginamit ito sa safe house?,” tanong ni Kapunan.
Nauna nang tumestigo si Wamil na nabigo ang OVP at DepEd na magsumite ng mga dokumentaryong ebidensiya na sumusuporta sa ilang confidential fund payments para sa unang dalawang quarter ng 2023.
Tinukoy rin niya ang mga gastusin para sa medical at food assistance, incentives, at travel-related expenses na, ayon sa kanya, ay hindi kabilang sa mga pinahihintulutang paggagamitan ng confidential funds sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01.
Ang naturang Joint Circular ang nagtatakda ng mga alituntunin sa paglalaan, paggamit, at pag-audit ng confidential at intelligence funds.
Ayon pa kay Wamil, ang mga reward payment ay walang kalakip na mga dokumentong nagpapatunay na ang impormasyong ibinigay ng mga impormante ay nagresulta sa matagumpay na information-gathering o surveillance operations.
Para naman sa DepEd, tumestigo siyang walang isinumiteng mga dokumentong tumutukoy sa mga partikular na paaralan, mag-aaral, komunidad, umano’y mga banta, o mga operasyong saklaw ng mga programang inilarawan lamang bilang counterinsurgency, abuse prevention, anti-illegal activities, at anti-extremism o anti-terrorism.
Nang tanungin tungkol sa paggamit ng mga alyas sa mga transaksiyon na may kaugnayan sa confidential at intelligence funds, sinabi ni Kapunan na walang tahasang patakaran na nagpapahintulot o nagbabawal sa naturang gawain.
“Walang batayan para gamitin ito, at wala ring batayan para sabihing hindi ito maaaring gamitin,” aniya.
Iginiit niyang ang mas mahalagang tanong ay kung ang pondo ba ay tunay na nagamit para sa layuning pinaglaanan nito.
Pinabulaanan din ni Kapunan ang mga pahayag na si Duterte lamang ang pinupuntirya kahit may iba pang ahensiya ng pamahalaan na tumatanggap ng confidential funds.
“Ang kasong ito ay tungkol sa Vice President at sa kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng DepEd, at tungkol sa kanyang confidential funds,” aniya.

