PBBM

Contractor inutusan ni PBBM ayusin mga substandard na proyekto gamit sariling pondo

280 Views

INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang mga kontratista na gumawa ng aksyon at ayusin ang mga substandard na imprastruktura, lalo na ang mga proyekto sa kontrol ng baha, gamit ang kanilang sariling gastos.

Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Marcos na ang mga proyekto ng gobyerno ay may mga “warranty” na kailangang igalang ng mga kontratista kapag may mga depekto.

“Kahit sinabi nilang tapos na, kapag nadiskubre na hindi tama ang pagkagawa, kailangang igalang nila, kailangang ituloy nila ang warranty na ibinigay nila sa atin para ayusin nang maayos ang proyekto,” sabi ni Marcos.

Binanggit niya na hindi palalampasin ang mga kontratistang nagkamali.

“Pwede pa rin nating balikan sila at sasabihin natin sa kanila, ‘balikan ninyo yung walang kwentang project na ginawa ninyo at ayusin ninyo ng maayos, gamit ang sariling bulsa niyo,’” giit ni Marcos.

Binanggit din ng Pangulo na ang pokus ng bagong itinatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay nakatuon sa pananagutan at mga pagkalugi sa pondo.

“Huwag ninyong gawing pulitika ito, mga simpleng numero lang ito. Magkano ang ninakaw na pera ng mga balasubas na ito? ‘Yan ang kailangan nating malaman, ‘yan ang kailangan nating ayusin,” aniya.

Dagdag pa ng Pangulo, maaaring magkasunod na kaso ang lumabas batay sa mga resulta ng ICI.

Itinatag ang komisyon kasunod ng mga pagbubunyag ng umano’y mga irregularidad sa mga multi-bilyong pisong proyekto sa kontrol ng baha, na binanggit ni Marcos sa kanyang 2025 State of the Nation Address.