BCDA

CRK pagtutulungang paunlarin ng BCDA, DOTr

Jun I Legaspi Dec 5, 2025
213 Views

PUMIRMA sa kasunduan ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Department of Transportation (DOTr) para gawing sentro ng industriya, pagmamanupaktura, transportasyon at iba pang serbisyo sa bansa ang Clark International Airport (CRK).

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, mahalaga ang kasunduang ito para sa Gitnang Luzon dahil magpapalakas ito sa sektor ng aviation at aerospace at makikinabang ang mga pasahero at ang ekonomiya.

“Magbubukas ito ng mas maraming oportunidad sa Central Luzon. Higit sa lahat, magdadala ito ng mga bagong aktibidad pang-ekonomiya,” sabi ni Secretary Lopez.

Sang-ayon dito si BCDA President at CEO Engr. Joshua Bingcang.

“Magdadala ito ng mas maraming manufacturing activity at transport enterprises na konektado sa Clark International Airport. Mas malaki rin ang magiging ambag ng Clark sa ekonomiya.

Tungkulin ng BCDA na tiyakin na may tamang imprastruktura upang lumawak ang operasyon ng paliparan at makapagsagawa ng negosyo ang logistics at transport firms nang walang sagabal,” sabi ni Bingcang.

Sa ilalim ng kasunduan, ang DOTr, BCDA at Luzon International Premiere Airport Development (LIPAD) Corp., ay magtatatag ng lugar para sa businesses at kaugnay na serbisyo sa paliparan.

Pag-aaralan din ng kasunduan ang posibilidad ng pagbibigay ng incentive programs upang makahikayat ng mas maraming businesses at serbisyo.