Ridon

CSC official ‘di na pagtestigo sa impeachment trial ni VP Sara

Mar Rodriguez Sep 21, 2026
105 Views

TINANGGAL ng House prosecution panel ang opisyal ng Civil Service Commission (CSC) bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte upang mapabilis ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya sa Senado.

Ipinaalam ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry L. Ridon sa Senate impeachment na hindi na tatawagin sa witness stand si CSC Assistant Commissioner Ariel Ronquillo dahil sapat na umanong natugunan ng dalawang naunang testigo ang mga usaping dapat niyang talakayin.

Kabilang sa mga naunang testigo sina retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Karen Batu, records official mula sa Office of the Ombudsman.

Si Ronquillo ay nakatakdang tumestigo hinggil sa paghahanda at pagsusumite ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) kabilang ang mga patakaran sa kanilang interpretasyon at aplikasyon.

Pinayagan ni Senate President at Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na hindi na tumestigo si Ronquillo, na naroon na sa Senado para sa kanyang nakatakdang pagharap.

Pinasalamatan din siya ni Escudero sa pagdalo sa kabila ng desisyong hindi na siya isalang sa witness stand.

Itinuloy ng prosecution ang pagharap ni Securities and Exchange Commission (SEC) Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo Fernando Del Rosario bilang ikatlong testigo sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Sa pagtestigo ni Del Rosario, lumipat ang prosecution mula sa pagsusuri sa mga SALN ni Duterte patungo sa mga rekord ng SEC tungkol sa mga kumpanyang may idineklarang interes pinansyal si Duterte at ang kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Mahigit 200 exhibits na binubuo ng higit 3,000 pahina ang inihanda para sa kanyang testimonya.

Layunin ng prosecution na suriin ang mga interes sa korporasyon, pagmamay-ari ng shares at posibleng pinagkukunan ng kita na may kaugnayan sa idineklarang yaman ng bise presidente.

Nauna nang ipinagpaliban ang kanyang testimonya dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang iharap sa impeachment court.

Inurong naman ng prosecution sa Martes, Setyembre 22, ang pagtestigo ni Philippine Government Electronic Procurement System Division Chief Rendell Sopeña dahil kailangan pa umano niya ng karagdagang panahon upang makumpleto ang mga dokumentong ipinatawag ng Senado.

Natanggap lamang ni Sopeña ang subpoena noong Biyernes at kasalukuyan pa niyang tinitipon ang mga dokumentong kakailanganin sa kanyang testimonya.

Nakatalaga si Sopeña na tumestigo hinggil sa mga transaksyon sa government procurement na kinasasangkutan ng mga entidad kung saan nagdeklara ng interes si Duterte.

Inatasan din siyang magharap ng mga rekord ng mga kontrata sa pagitan ng Gencorp. Industries Inc. at mga ahensya ng pamahalaan mula 2020 hanggang sa kasalukuyan.