Quirino

Kamara nagkaroon ng necrological service para sa yumaong Quirino gov

Mar Rodriguez Sep 21, 2026
86 Views

NAGKAROON ang Kamara de Representantes ng necrological service noong Lunes para sa yumaong Quirino governor na si Dakila Carlo Cua bilang pagpupugay sa halos 25 taong paglilingkod niya sa bayan.

Ginanap ang seremonya mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali sa plenary hall ng Kamara de Representantes.

Nauna nang nagpatibay ang Kamara ng isang resolusyon na nagpapahayag ng pakikiramay sa pamilya Cua.

Pangunahing may-akda nito sina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, Majority Leader at Ilocos Norte Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos at Minority Leader Marcelino Libanan.

Nagsimula ang karera ni Cua sa politika sa edad na 23 nang nahalal na vice governor ng Quirino noong 2001.

Noong 2007, nahalal siyang gobernador ng Quirino bago lumipat sa Kamara noong 2010. Nakumpleto niya ang tatlong magkakasunod na termino bilang kinatawan ng lalawigan.

Pinamunuan ni Cua ang House Committees on Ecology at Ways and Means. Naging pangunahing may-akda rin siya ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.

Siya rin ang may-akda ng panukalang batas na naging Republic Act No. 10230 na nagtatag sa Quirino State University sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga institusyon ng higher education sa Diffun, Cabarroguis at Maddela.

Matapos ang kanyang termino sa Kongreso noong 2019, bumalik si Cua sa Quirino bilang gobernador hanggang sa kanyang pagpanaw sa edad na 48.

Naging pangulo rin siya ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) at national chairman ng League of Provinces of the Philippines.

Umabot din sa antas ng Asia-Pacific ang kanyang adbokasiya para sa pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan nang mahalal siyang **kauna-unahang Pilipinong pangulo ng United Cities and Local Governments Asia-Pacific (UCLG ASPAC)** noong 2023. Muli siyang nahalal para sa panibagong termino na sumasaklaw mula 2025 hanggang 2027.

Nagtapos si Cua sa University of the Philippines Diliman na may degree sa Business Administration. Halos buong buhay niya bilang nasa hustong gulang ay inilaan niya sa paglilingkod publiko—mula sa pamumuno sa lalawigan, paggawa ng batas sa Kongreso, hanggang sa pagsusulong ng mas matatag na lokal na pamahalaan at institusyon.

Sa necrological service sa Lunes, muling babalik si Cua sa plenary chamber kung saan siya nagsilbi bilang mambabatas sa loob ng siyam na taon.