Dy

Dy: Pag-alis sa system loss charge sa power bill magbibigay ginhawa sa konsyumer

Mar Rodriguez Sep 21, 2026
75 Views

SINABI ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na ang pag-aalis ng 12% Value Added Tax (VAT) sa pinapayagang “system loss charges” ay magbibigay ng ginhawa sa mga konsyumer sa pamamagitan ng pagbabawas sa bayarin sa kuryente.

Pinasalamatan ni Speaker Dy si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan sa pagkilos upang mapababa ang presyo ng kuryente at mabawasan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino.

“Bawat pisong maaalis natin sa singil sa kuryente ay mahalaga, lalo na sa mga pamilyang kinakailangang pagkasyahin ang kanilang badyet para sa pagkain, edukasyon, transportasyon at iba pang pangunahing pangangailangan,” wika ni Speaker Dy.

Ayon sa Speaker, sa pagtanggal ng VAT sa allowable system loss, mababawasan ang halagang ipinapasa sa mga konsyumer.

Naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2026 na nag-aalis ng 12% VAT sa allowable system loss charge na pasok sa cap na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Dumating ang hakbang dalawang araw matapos talakayin ang isyu sa LegisHear public consultation sa South Cotabato kung saan sinabi ng mga lider ng Kamara na hinihintay na lamang noon ang kaukulang kautusan ng BIR.

Patuloy sa pakikipagtulungan ang Kamara sa mga kinauukulang ahensya upang maibsan ang mataas na halaga ng kuryente.

Ipinaliwanag ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand “Dinand” Hernandez na nakipagpulong si Dy sa mga opisyal ng enerhiya at BIR upang maisulong ang pagtanggal ng VAT sa system loss nang hindi na kinakailangang maghintay ng bagong batas.

Sinabi ni Hernandez na ang VAT ay karaniwang ipinapataw sa konsumo, samantalang ang system loss ay hindi aktuwal na kuryenteng nakokonsumo ng isang customer.

“Mayroon na, through the effort of the Speaker, minemeeting kami with Energy and BIR with the position na hindi na kailangan ng batas para tanggalin yung VAT doon sa system loss because when you say VAT, it’s consumption,” sabi ni Hernandez.