Calendar
Dahil sa pananakit, pagmumura, Lt. Col. kinasuhan ng patrolman
KINASUHAN ng patrolman pulis ang kanyang superior na lieutenant colonel dahil sa umano’y paulit-ulit na pananakit at pagmumura sa kanya sa harap ng kanilang mga kapwa pulis sa Caloocan City.
Nagsimula umanong magngitngit ang Lieutenant Colonel ng umuwi ang huli noong gabi ng Hunyo 20 ng hindi nagpapaalam sa opisyal.
Kinabukasan, kinompronta siya ng opisyal, pinagmumura at ilang ulit na sinuntok sa sikmura bago umalis ng kanilang tanggapan sa District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD).
Ang pinakahuling insidente umano ng pagmamalupit ay noong Martes ng utusan siya at kanilang striker na linisin ang Investigators’ Quarters ng kanilang tanggapan.
Nahinto pansamantala ang paglilinis ng sabihan siya ng isang kasamahang pulis na suriin muna ang kanyang leave form.
Dito na siya inabutan ng opisyal at kaagad inupakan ng sunod-sunod na suntok sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at mukha na nasaksihan ng apat niyang kasamahan na patrolman din.
Matapos ang pambubugbog, inatasan siya ng opisyal na magpalit ng damit kaya’t dito na siya nagkaroon ng pagkakataon upang magtungo sa Caloocan City Medical Center bago inireport ang pangyayari sa tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth.

