Salonpas Source: QCPD-PIO

Salonpas tinangkang itakas, babae inaresto

101 Views

NASAKOTE ang 43-anyos na babae matapos umanong tangkaing ipuslit ang ilang kahon ng white flower at Salonpas patches na nagkakahalaga ng halos P5,000 mula sa supermarket sa Novaliches, Quezon City noong Hunyo 24.

Ayon sa pulisya, isiniksik umano ng suspek sa kanyang katawan ang ilang piraso ng White Flower Oil at Salonpas kasama ang iba pang paninda bago tangkaing lumabas ng establisimyento nang hindi nagbabayad.

Kinilala ni Novaliches Police Station (PS-4) commander P/Lt. Col. Dave Capurcos ang suspek na si alyas Cheryl.

Sa ulat, alas-3:40 ng hapon pumasok ang suspek sa supermarket sa Gen. Luis St., Brgy. Nova Proper para “mamili.”

Subalit palihim umano niyang isiniksik sa kanyang baywang ang iba’t-ibang paninda bago tangkaing lumabas ng establisimyento nang hindi nagbabayad.

Napansin ng security guard at hinarang ang suspek at humingi ng tulong sa Novaliches Police Station Tactical Operations Center.

Rumesponde ang mga pulis at inaresto ang babae habang nabawi ang mga ninakaw na produkto na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P4,935.

Lumitaw na dati nang naaresto ang suspek sa mga kasong theft noong Hunyo 2022 at Enero 2025.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 308 (theft) ng Revised Penal Code sa Quezon City Prosecutor’s Office.