Calendar
Dapat ipaliwanag ng mga senador P24B ‘leadership fund’- Rep. Abante
HINIMOK ni Rep. Bienvenido Abante Jr. nitong weekend ang mga senador na linawin ang umano’y P24-bilyong “leadership fund” na inilaan sa kanila sa pambansang badyet para sa 2025.
Sinabi niya sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City na dapat ipaliwanag ng mga senador kung paano ginawa ang alokasyon, sino ang tumanggap at nakinabang dito at paano at saan ginastos ang pera.
Sinabi niyang dapat masusing siyasatin ang umano’y pondo at tanungin ang mga senador tungkol sa mga appropriation.
“Kailangan tingnan nating maigi kung among ibig sabihin ng leadership fund,” aniya.
“Ang proper questions should be like, what particular appropriation are we taking about? Where does it appear in the budget, when was this introduced, anong public purpose nito, along ahensiya ang nag-implement niyan,” tanong niya.
Sinabi niyang isa pang dapat itanong ay, “Does a senator exercise prohibited control over the fund after the enactment of the budget?”
Sinabi ni Abante na nalaman niya ang tungkol sa Senate leadership fund nang ibunyag ito ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa isang pagdinig sa Sandiganbayan noong Miyerkules tungkol sa kasong plunder at graft laban sa dating Sen. Ramon Revilla Jr.
“Nung nabanggit yan, dun ko lang nalaman na meron palang leadership fund na tinatawag,” aniya.
Sinabi niyang walang ganoong pondo sa House of Representatives at dapat niyang malaman ito, dahil nagsilbi siya bilang vice chairman ng committee on appropriations.
“Ako ay naging vice chariman ng committee on appropriations, pero wala kaming leadership fund na ganyan,” dagdag niya.
Ayon kay Bonoan, isinama ang P24-bilyong leadership fund sa 2025 DPWH budget.
Sinabi niyang nakipag-usap siya tungkol sa mga “parameters” ng pondo kay Senate President noon na si Juan Miguel Zubiri at nagkasundo silang bawat senador ay bibigyan ng hindi bababa sa P500 milyon, habang ang mga chairman ng malalaking komite ay makakakuha ng hanggang P1 bilyon.
Inilarawan ni Sen. Panfilo Lacson ang umano’y leadership fund bilang “mas masahol pa kaysa (congressional) pork barrel.”
Ipinawalang-bisa ng Supreme Court ang tradisyonal na pork barrel bilang labag sa Konstitusyon.

