NEP

Detalye sa lump-sum infra items sa P7.2T ’27 budget hihingin ni Lacson

20 Views

MAY nakita si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na lump-sum appropriations para sa infrastructure projects ng isang ahensiya ng pamahalaan sa P7.2 trilyong badyet sa 2027 na aniya ay balak niyang kuwestiyunin.

Sinabi ni Lacson na maaari niyang pormal na ilahad ang usapin sa briefing ng Development Budget Coordination Committee na paunang nakatakda sa Agosto 27, habang patuloy nilang sinusuri ang National Expenditure Program (NEP).

“Meron kaming nasilip na puwede i-question o i-clarify na lump sum appropriations na sa tingin namin hindi dapat lump sum,” sinabi ni Lacson.

Hihingin niya ang mga detalye kung saan at paano ipatutupad ang mga infrastructure project na pinaglaanan ng pondo.

Hindi pinangalanan ni Lacson ang ahensiya, mga infrastructure project o halagang saklaw ng mga appropriation na kanyang kinuwestiyon.

Sinusuri rin ng kanyang grupo ang NEP para sa mga special provision tungkol sa unprogrammed appropriations na ayon kay Lacson ay maaaring maabuso.

Binanggit ni Lacson ang mga probisyon sa isang nakaraang General Appropriations Act na inilarawan niyang “highly questionable, even unconstitutional.”

Ayon kay Lacson, kabilang dito ang mga probisyong may kinalaman sa paglilipat ng pondo ng government-owned and -controlled corporations, kabilang ang Philippine Health Insurance Corp., sa national treasury, at mga probisyon para sa foreign-assisted projects.

Sinabi niyang inalis ang mga naturang probisyon sa mga sumunod na pambansang badyet.

Iniugnay niya ang mga hakbang na ito kay Senate President Sherwin Gatchalian noong pinamumunuan pa nito ang Senate finance committee.

Sinabi rin ni Lacson na tiniyak sa kanya ni Senate finance committee chairman Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito na hindi nito pahihintulutan ang mga item na maipasok sa bicameral deliberations kung wala ang mga ito sa bersyon ng General Appropriations Bill ng Senado o Kamara de  Representantes.

Inilarawan ni Lacson bilang matagal nang problema sa proseso ng badyet ang pagdaragdag sa bicameral deliberations ng mga probisyong wala sa bersyon ng Senado o Kamara.

Muli rin siyang nanawagan na bigyan ng mas malaking papel ang local development councils sa pagtukoy ng mga proyektong isasama sa pambansang badyet.

Sinabi ni Lacson na dapat ayusin ng Department of Budget and Management ang timing ng budget call upang maisaalang-alang sa NEP ang mga panukala ng local development councils na idinadaan sa regional development councils.