Calendar
Sen. Panfilo “Ping” Lacson
Proyektong iniuugnay sa reclamation na walang permit ipapatigil ni Dizon — Lacson
SINABI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na maglalabas ng cease-and-desist orders sa mga proyekto sa Taguig City na inuugnay sa reclamation na walang permit kapag hiniling ng Philippine Reclamation Authority.
Ibinigay ni Dizon ang katiyakan nang mag-usap sila noong Huwebes tungkol sa reclamation.
Makatutulong ang pagpapatigil sa mga proyekto upang hindi na madagdagan ang gastusin ng pamahalaan sa mga trabahong kinuwestiyon niya ang pagpapatupad.
“Para hindi lumala ang ginagawa doon kung saan sayang ang pera ng gobyerno na binabayaran sa contractors na di naman tama at kulang-kulang kasi panambak, hindi talaga slope protection,” aniya.
Sinabi rin ni Lacson na may basurang dapat sana’y dalhin sa sanitary landfill sa Rizal na umano’y ginagamit na pantambak sa ilang bahagi ng Laguna Lake sa ilalim ng mga proyektong inilalarawan bilang slope protection at flood mitigation.
“Hindi pwede ’yan kasi kung tinambakan n’yo ng basura at ’yan pina-landfill ninyo e bukod sa sira na ang lake, hindi matibay ang pantambak ninyo. Walang nangyari kasi naha-harass,” ani Lacson.
Batay sa kanyang interpretasyon sa batas, maaaring mapasailalim sa forfeiture ang mga reclaimed area na ginawa ng walang kinakailangang permit, pag-aari man o inaangkin ng lokal na pamahalaan o mga pribadong indibidwal o entidad.
“Ang nakasaad sa batas void ab initio ang inyong reclamation. From the very beginning di n’yo puwedeng i-cure ’yan kasi di ka kumuha ng permit nagtambak ka,” aniya.
Sinabi rin ni Lacson na nananatili siyang kumpiyansa sa ebidensiyang isinumite ng kanyang grupo sa Office of the Ombudsman kaugnay ng mga umano’y ghost project sa Taguig.
Bagaman ipinakikita ng mga title number na nakapangalan ang ilang lupa sa mga pribadong indibidwal, sinabi ni Lacson na sinusuri nila kung paano naisyuhan ang mga titulo at kung may mga iregularidad sa pagkakaloob ng mga ito.

