Discaya

‘Dapat makulong mga Discaya’, giit mula Senado

300 Views

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian na dapat makulong ang mga Discaya—mga kontratistang umano’y sangkot sa iregularidad sa mga proyekto ng flood control—dahil sa alegasyon ng bid rigging, substandard na konstruksyon, at pagbibigay umano ng suhol sa ilang opisyal ng pamahalaan.

Sa panayam ng ANC, sinabi ni Gatchalian na patuloy ang koordinasyon ng Senado sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), isang fact-finding body na nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 94 upang imbestigahan ang mga iregularidad sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan sa nakalipas na sampung taon.

“The Discayas should be jailed. Whether they speak or not, they are one of the most guilty. We saw bid rigging — they cornered a lot of the flood control projects. DPWH Secretary Vince Dizon saw a lot of substandard projects allegedly done by the Discayas. And also, sila mismo umamin, nagbibigay sila ng lagay sa mga opisyal ng gobyerno. So they should be accountable for that,” ayon kay Gatchalian.

Batay sa EO 94, may kapangyarihan ang ICI na maglabas ng subpoena ad testificandum at duces tecum upang ipatawag ang mga testigo at hilingin ang mga dokumento na kailangan sa imbestigasyon. Maaari rin itong magrekomenda ng mga kaso sa Department of Justice, Office of the Ombudsman, at Civil Service Commission. Gayunman, wala pa itong kapangyarihang magparusa sa contempt, kaya hindi nito direktang mapapatawan ng parusa ang mga umiiwas o lumalabag sa utos ng komisyon.

Ayon kay Gatchalian, tuloy ang palitan ng impormasyon sa pagitan ng Senado at ng ICI habang nagpapatuloy ang pagtalakay sa 2026 national budget.

“Kahit panahon ng budget hearings, tuloy-tuloy ang koordinasyon namin sa ICI,” aniya. “Marami pang testimonya at ebidensya ang dumarating kaya nagpapatuloy ang pagtutulungan.”

Ipinaliwanag din ng senador na pansamantalang itinigil ng Senado ang mga pagdinig upang hindi magamit ito ng mga testigong gustong makaiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng pagiging state witness o pagkuha ng simpatiya ng publiko.

“Ayaw naming magamit ang Senado para sa pansariling interes,” sabi ni Gatchalian. “Ang imbestigasyon ay ginagawa sa tulong ng batas upang makapagmungkahi ng reporma at mapigil ang katiwalian.”

Si Gatchalian, na pinuno ng Senate Committee on Finance, ay nagsabing isusumite ng Senado ang kanilang mga natuklasan sa ICI at sa Office of the Ombudsman para sa karagdagang aksyon.

Idinagdag niyang pare-parehong grupo ng mga kontratista ang lumilitaw sa ilang malalaking proyekto sa flood control at farm-to-market roads—isang malinaw na pattern na dapat aniyang siyasatin nang masinsinan.

“May mga pangalan na paulit-ulit sa malalaking proyekto,” ani Gatchalian. “Dapat itong imbestigahan nang masinsinan.”