Martin Dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Dating Speaker Romualdez, Tingog, Mayor Sabdao binuksan family friendly evac center sa San Miguel, Leyte

204 Views

ISANG evacuation center na may family room at breastfeeding area ang nagsilbing kanlungan ng dignidad at kaginhawaan para sa daan-daang evacuees sa San Miguel, Leyte ― isang modelo ng kahandaan sa sakuna na pinangunahan ng dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Tingog Party-list at Mayor Norman Sabdao upang matiyak na ang mga relief shelter ay functional, ligtas at nakatuon sa tao, hindi lamang sa mga emergency.

Ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, iniulat ni Sabdao na hanggang alas-7:30 ng gabi noong Linggo, may 549 pamilya o humigit-kumulang 2,072 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center ng San Miguel matapos ang malakas na pag-ulan.

“We want our evacuees to feel safe, cared for, and treated humanely even in crisis,” ani Acidre, House committee on higher and technical education chairperson.

Si Romualdez ay naging mahalagang katuwang sa muling pagbangon at pag-rebuild ng Tacloban matapos ang pinsalang dulot ng Super Typhoon Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.

Itinayo sa tulong nina Romualdez, Tingog Party-list at Sabdao, ang San Miguel evacuation complex ay may mga pasilidad na bihirang makita sa pansamantalang tirahan ― hiwalay na family rooms, breastfeeding corner para sa mga ina, malinis at komportableng palikuran, maayos na ilaw, silid-tulugan at imbakan para sa relief goods.

Ayon kay Acidre, kasama rin sa disenyo ang mga espasyo para sa mga senior citizen, persons with disabilities at mga bata, upang matiyak ang kaginhawaan at inklusibong serbisyo para sa lahat.

Sinabi rin niya na napansin ng mga lokal na opisyal at volunteers na mas mabilis at organisado ang koordinasyon ng relief operations dahil sa maayos na pasilidad.

“This is more than an evacuation site ― it’s a home in times of need,” ani Acidre.

Samantala, si Romualdez, sa pamamagitan ng kanyang opisina at Tingog Party-list, ay patuloy na sumusuporta sa mga lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng disaster-resilient infrastructure sa Leyte at Eastern Visayas.

“Our aim is simple ― every Filipino family must have a safe and decent place to stay when disaster strikes,” pahayag ni Romualdez.

Nagpahayag ng pasasalamat ang mga evacuees sa maayos na disenyo ng center.

“May kwarto para sa mag-asawa, may lugar para sa mga nanay at sanggol ― hindi lang kami basta pinasok dito, pinangalagaan kami,” ayon sa isang ina.

Dahil hindi pa maayos ang lagay ng panahon, sinabi ni Acidre na magpapatuloy ang pamamahagi ng relief goods at health monitoring hanggang ligtas nang makabalik ang mga pamilya sa kanilang mga tahanan.

“We built the evacuation center to protect lives and restore dignity ― that’s the essence of true preparedness,” sinabi ni Acidre.