Calendar
Panukalang pagbuwag sa PCG ikinadismaya
IKINADISMAYA ng vice-chairman ng House Committee on Transportation na si Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang hirit ng kasamahan niya sa Kamara de Representantes na buwagin ang Philippine Coast Guard (PCG).
Binigyang diin ni Madrona na walang dahilan upang buwagin ang PCG sapagkat malaki ang naitutulong nito sa pagpapanatili ng soberanya ng Pilipinas, partikular na ang pagpapanatili ng ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) at iba pang lugar.
Ipinaliwanag ni Madrona na puspusan ang kanyang pagsisikap para ma-modernize ang PCG.
Sinabi ng kongresista na hindi makatarungan at hindi rin makatwiran na buwagin ang PCG sapagkat hindi matatawaran ang araw-araw na sakripisyo ng mga tauhan nito para protektahan ang soberanya ng ating bansa at kaligtasan ng karagatan.
Kasabay nito, personal na pinangunahan ni Madrona ang pamamahagi ng ayuda na isinagawa sa Romblon public plaza katuwang si Vice Governor Armando “Arming” Gutierrez.
Ayon sa kongresista, layunin ng kanilang inisyatiba na maibsan ang pasaning pinansyal ng mga naging biktima ng bagyong Opong sa kanilang lalawigan.

