Calendar
De Lima humuhugot ng lakas, inspirasyon kay Jesse Robredo
HUMUHUGOT ng lakas at inspirasyon si Mamamayang Liberal (ML) Party List Representative Leila M. de Lima mula kay yumao at dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse M. Robredo.
Sinabi ni De Lima na matapos ang 13 taon mula ng pumanaw si Robredo, nananatili aniyang naglalagablab ang halimbawang iniwan nito hindi lamang sa sambayanang Pilipino bagkos para sa mga tulad nilang opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng “matino, mahusay at maaasahang” pamumuno.
Pagbibigay diin ni De Lima na sa pamamagitan ng “tsinelas leadership, ipinakita ni Jesse Robredo na ang kapangyarihan o posisyon sa pamahalaan ay ipinahiram lamang ng mamamayan at kinakailangan itong ibalik sa pamamaraan ng fair decisions, transparent governance at programa na magpapa-angat sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.
Ipinahayag pa ng Party List Lady solon na ang iniwang legacy ni Jesse Robredo ay nananatili sa puso ng bawat Pilipino katulad ng “bawal ang tamad, bawal ang mayabang at bawal ang abusado” na nagsisilbing babala sa mga opisyal ng pamahalaan na ipinapalagay na ang kanilang katungkulan ay isang trono.
Ayon pa kay De Lima, ang ehemplong iniwan ng yumaong Kalihim ay patuloy na nagniningning at nagsisilbing gabay para sa kanilang pribadong buhay.

