Delima

DE LIMA: TABLA TABLA NA

Mar Rodriguez Sep 10, 2025
250 Views

TAMAAN na ang dapat tamaan – walang sasantuhin – tabla-tabla na.

Ito ang pupuntiryahin ni neophyte Party List Representative Leila M. de Lima patungkol sa ikakasang masusing imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiyal at maanomalyang multi-bilyon pisong flood control project kung saan dawit sa eskandalong ito ang ilang pangalan ng mga kilalang politiko na di-umano’y naambunan ng malaking halaga ng kickback.

Dahil dito, layunin ng House Bill No. 4435 na isinulong ni De Lima sa Kamara de Representantes na mag-set up o magtatag ng Independent Commission na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa maling paggamit umano ng pondo na nakalaan para sa flood control at kahalintulad nitong infrastructure projects.

Bukod kay De Lima, kasama din nito ang ilang kasamahan nitong kongresista sa Liberal Party (LP) bilang mga co-authors tulad nina Caloocan City 2nd District Representatives Edgar “Gadong” R. Erice, Adrian Michael A. Amatong ng Zamboanga del Norte, Arlene “Kaka” J. Bag-ao ng Dinagat Island, Jaime Fresnedi ng Muntinlupa, Cielo Krisel B. Lagman ng Albay, Alfonso “Ponso” V. Umali, Jr. at iba pang mga mambabatas.

Nakapaloob sa HB No. 4435 na may titulong “Independent Commission Against Infrastructure Corruption Act” ang pagkakaroon ng isang tinatawag na “broad-based independent Commission” na may kapangyarihan para maglabas nv subpoena at magsagawa ng pagsisiyasat tungkol sa alegasyon ng korapsiyon sa flood control at iba pang infrastructure projects.

Ang itatatag na Commission paliwanag pa ni De Lima ay mayroong mandato para irekomenda ang prosecution at pagsasampa ng kasong administrative at kriminal laban sa mga politiko, empleyado ng pamahalaan kasama na ang mga private individuals na mapapatunayang sangkot sa maanomalyang transaksiyon.

“We believe that an Independent Commission established by law would have more teeth than just a panel to be created by the President. Through this independent and broad-based body with vast investigative and subpoena powers, we will ferret out the whole truth and exact full accountability that the Filipinos deserve,” sabi ni De Lima.