Calendar
Di boboto sa SP maaaring mapabilang sa isang ‘independent bloc’
“MAKUKUHA nga ba ni SP Francis Chiz Escudero ang suporta ng Super Majority sa Senado?”
Ito ang tanong na lumulutang sa kasalukuyan matapos ipabatid ni Senador Joel Villanueva na hindi bababa sa 13 senador ang nagpahayag na ng kanilang suporta para sa kasalukuyang Pangulo ng Senado upang pamunuan ang ika-20 Kongreso.
Tinukoy din niya ang patuloy na pagbabago sa mga alyansa at papel sa Senado, at ipinaalala na ang mga hindi boboto sa alinmang liderato ay maaaring mapabilang sa isang independent bloc.
“Kung hindi siya bumoto sa Senate President at hindi siya bumoto sa minority leader, parang nasa grey area siya. Ang pinakamadaling sabihin independent itong bloke na ito,” saad niya.
Gayunpaman, iginiit ni Villanueva na maaaring magbago pa ang isip ng ilan sa kanyang mga nakausap. “Hindi ko masabi kung magbabagong-isip yung mga nakausap ko but as far as I’ve researched sa mga nakausap ko, 13 mahigit na yung nakausap ko.”
Binigyang-diin ni Villanueva ang kahalagahan ng bukas at malinaw na proseso ng paggawa ng batas, lalo na sa usapin ng pambansang badyet at iba pang panukala. “We are very keen and passionate in ensuring that there is transparency not just in budget deliberations but also for all the measures that we are passing.”
Bagama’t hindi diretsong kinumpirma ni Villanueva ang nasabing bilang, malinaw niyang inilahad ang kanyang matatag na suporta para sa patuloy na pamumuno ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, dahil sa husay nito sa pamumuno at maipagmamalaking mga nagawa. “Alam na natin, I think your information is as good as mine, na si SP Escudero will be retained as our SP,” ani Villanueva sa mga mamamahayag ng Senado.
“At the end of the day you look at the accomplishments of the Senate during his tenure, marami ko naipasa. At the same time yung respeto niya sa ating mga senador,” paliwanag niya.

