Calendar
Di pagkakaunawaan sa Ayungin missions gusto imbestigahan ni Hontiveros
NAGHAIN si Sen. Risa Hontiveros ng resolusyon para imbestigahan ng Senado ang “provisional understanding” ng Pilipinas at China sa mga resupply mission sa Ayungin Shoal.
Layunin ng Proposed Senate Resolution No. 589 na suriin kung ano ang napagkasunduan at kung nakatutulong ang iniulat na arrangement para maiwasan ang mga komprontasyon sa mga misyon ng Pilipinas patungo sa BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs na layunin ng arrangement na maiwasan ang miscalculation sa mga resupply mission at hindi nito inaatasan ang Armed Forces of the Philippines na humingi ng pahintulot sa China o payagang sumakay ang mga tauhan ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na walang ganitong kasunduan, ayon sa resolusyon.
“Hindi puwedeng sinasabi ng DFA na may kasunduan, tapos sinasabi naman ng DND na wala. These are the agencies responsible for our foreign relations and national defense. Kailangan malinaw sa kanilang dalawa — and especially to our soldiers on the ground —kung ano ba talaga ang patakaran natin,” sinabi ni Hontiveros.
Kinuwestiyon din niya kung nakatutulong ang iniulat na arrangement na mabawasan ang panganib sa mga misyon ng Pilipinas.
“Ang tanong lang naman: gumagana ba itong kasunduan? Kasi kung para ito maiwasan ang gulo at maprotektahan ang ating mga sundalo, bakit patuloy silang sinasaktan habang ginagawa lang nila ang trabaho nila?” sinabi niya.
Tinukoy sa resolusyon ang komprontasyon noong Hunyo 2024 kung saan naputulan ng hinlalaki ang isang Pilipinong navy member.
Binanggit din ang insidente noong Marso 2026 kung saan, ayon kay Hontiveros, itinapat ang fire-control radar sa Philippine Navy frigate BRP Miguel Malvar, at ang insidente noong Hulyo 2026 sa Ayungin Shoal kung saan sinabi niyang hinampas ng kahoy na baton ang isang tauhan ng Navy at kinailangang ilikas para sa gamutan.
“Hindi ko sinasabing kailangang ilantad ang impormasyong tunay na sensitibo sa national security. Pero hindi rin pwedeng gamitin ang confidentiality para itago sa taumbayan ang isang kasunduang nakakaapekto sa ating teritoryo, sa ating mga karapatan, at sa buhay ng mga ipinapadala natin doon,” sinabi niya.
