Calendar
DHSUD nagpatupad ng moratorium sa loan amortization sa mga binahang lugar
IPINAG-utos ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa mga key shelter agencies (KSAs) ang pagpapatupad ng moratorium sa housing loan amortizations para sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha.
Ipinahayag ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling na layunin ng moratorium na mabawasan ang pasanin ng mga pamilyang nasalanta.
Saklaw nito ang mga miyembro ng National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC), at National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC), batay sa mga patakaran at guidelines na ilalabas ng bawat KSA.
“Sa panahon ng kalamidad, mahalagang mabawasan natin ang kanilang mga alalahanin. Ito ang ambag ng DHSUD upang makatulong sa pagbangon ng mga biktima ng pagbaha,” ani Secretary Aliling.
Inatasan din ng Kalihim ang mga DHSUD Regional Offices na makipag-ugnayan sa mga LGU at iba pang ahensya upang matukoy ang pangangailangan sa pabahay ng mga apektadong pamilya, lalo na sa mga komunidad na nasa peligro.
“Nais nating makasiguro na walang maiiwan, lalo na ang mga pamilyang nasa malalayong lugar. Patuloy ang koordinasyon ng DHSUD upang maihatid ang kaukulang tulong sa pabahay,” dagdag pa niya.

