DMW

DMW nakiisa sa 2 OFW na nawawala sa HK

Jun I Legaspi Oct 14, 2025
380 Views

LUBOS na nag-aalala at nakikiisa ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga pamilya ng dalawang overseas Filipina worker na naiulat na nawawala sa Hong Kong.

Ang nawawalang OFW ay nakilalang sina Imee Mahilum Pabuaya, 24, at Aleli Perez Tibay, 33.

Kaagad nang nakipag-ugnayan ang DMW sa Philippine Consulate General, Hong Kong Police Force, at Hong Kong Immigration Department upang simulan ang masusing imbestigasyon at aktibong paghahanap.

Kasabay nito, ang DMW, sa pakikipagtulungan ng MWO-Hong Kong, ay nakaantabay at handang magbigay ng lahat ng kinakailangang suporta — mula sa legal, medikal, pang-emergency, hanggang sa emosyonal na tulong — para sa mga pamilya ng nawawalang dalawang OFW.

Pinahayag ng DMW na “patuloy ang aming pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kanilang kaligtasan at agarang pagkakatagpo sa kanila. Nanawagan po kami sa sinumang may impormasyon sa posibleng kinaroroonan nina Gng. Pabuaya at Gng. Tibay na agad makipag-ugnayan sa ating Philippine Consulate o sa MWO-Hong Kong.

Ang bawat tip, larawan, o detalye ay maaaring maging mahalagang susi sa mas mabilis na pagkakatagpo sa kanila. Sa gitna ng pangambang ito, pinanghahawakan natin ang pag-asa. Hindi kayo nag-iisa. Kaisa ninyo ang buong DMW, pamahalaan, at sambayanang Pilipino sa panalangin at pagkilos para sa ligtas na pagbabalik nina Imee at Aleli.”

Ayon sa DMW, batay sa ulat ng Migrant Workers Office (MWO) sa Hong Kong, huling namataan sina Gng. Pabuaya at Gng. Tibay noong ika-4 ng Oktubre 2025 sa Tsuen Wan District.

“Maaari makipag-ugnayan sa mga sumusunod na detalye:

📞 Telepono: +852 2866 0640 DMW – 1348

📧 Email: mwo_hongkong@dmw.gov.ph

Muli, ang inyong DMW ay naninindigan: Ang kaligtasan at kapakanan ng bawat OFW ay aming pangunahing tungkulin,” dagdag ng DMW.