Calendar
DOTr magpapatupad ng Accessible Travel Policy
ANG Department of Transportation (DOTr) ay magpapatupad ng Accessible Travel Policy (ATP) Guidelines sa lahat ng railway operations at maintenance providers sa buong bansa upang matiyak ang mas inklusibo at mas madaling biyahe para sa lahat ng pasahero.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOTr na isulong ang inklusibong kapaligiran sa mga linya ng tren, lalo na para sa mga persons with disabilities (PWDs), senior citizens, at mga buntis na pasahero.
Binanggit ni Kalihim ng Transportasyon Giovanni Lopez na ang pagpapatupad ng ATP Guidelines ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagkakaroon ng ligtas, maaasahan, at inklusibong sistema ng transportasyon.
“Ang sabi ng Pangulong Marcos Jr., dapat tiyakin nating mas madali ang araw-araw na biyahe at welcome para sa lahat ng ating mga komyuter ang mga riles. Makakaasa po ang ating mga kababayan, lalong-lalo na ang mga PWD, senior citizen at mga buntis ng mas mabilis at komportableng pagbiyahe,” ani Secretary Lopez.
Mga pangunahing hakbang sa ilalim ng Department Order No. 2025-024:
• Pagsasanay ng mga kawani sa disability awareness at gender sensitivity
• Tulong sa wheelchair boarding at pagtatakda ng mga help points
• Pagbibigay ng accessible na impormasyon, kabilang ang mas malinaw na audio at visual announcements
• Pagkakaroon ng malinaw na feedback channels at regular accessibility audits
Para sa mga kasalukuyang railway operators, kinakailangang maghanda ng transition at compliance plans upang unti-unting maipatupad ang mga pagbabago sa mga darating na taon.
Ang ATP Guidelines ay kauna-unahang pormal na pamantayan para matiyak na ang mga serbisyo ng tren ay tumutugon sa iba’t ibang pangangailangan ng mga pasahero.
Lubos ding isasama ang ATP Guidelines sa mga flagship projects gaya ng North-South Commuter Railway (NSCR) at Metro Manila Subway Project (MMSP).

