Calendar
Jinggoy naghain ng panukalang batas laban sa red-tagging
NAGHAIN si Senador Jose “Jinggoy” Estrada ng panukalang batas na naglalayong gawing krimen ang red-tagging, isang gawain na matagal nang iniuugnay sa pananakot, panggigipit, at umano’y mga paglabag sa karapatang pantao laban sa mga aktibista, mamamahayag, lider ng komunidad, at karaniwang mamamayan.
Sa kanyang inihain na Senate Bill No. 1071, o ang Anti-Red-Tagging Act, sinabi ni Estrada na ang red-tagging ay hindi simpleng pagbansag lamang kundi isang hakbang na naglalagay sa buhay ng isang tao sa panganib kapag siya ay hayagang iniuugnay sa mga komunista o terorista.
“Ang red-tagging ay hindi lamang pagbibigay ng label o bansag — ito ay isang banta. Kapag ang isang tao ay binansagan na communist sympathizer, agad nalalagay sa panganib ang kanyang buhay,” ayon kay Estrada.
Nakaangkla ang panukala sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Deduro v. Maj. Gen. Vinoya, kung saan kinilala na ang red-tagging, paninirang-puri, maling pagle-label, at guilt by association ay naglalagay sa panganib sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang tao, at kadalasang nauuwi sa pagdukot, pananakot, o extrajudicial killings.
Sa ilalim ng panukala, malinaw na ilalarawan sa batas ang red-tagging bilang hayagang pagbansag o pag-akusa sa mga indibidwal o grupo bilang mga komunista, terorista, o kalaban ng Estado, na kadalasan ay walang sapat na ebidensya. Maituturing na red-tagging ang mga pahayag sa publiko, social media posts, tarpaulin, karatula, deklarasyon, public events, at iba pang platapormang ginagamit upang siraan ang isang tao o grupo.
Iminumungkahi ng panukala ang parusang hanggang 10 taong pagkakakulong at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyong pampubliko para sa sinumang mapapatunayang nagkasala.
Ayon kay Estrada, layon ng panukalang batas na bigyan ng proteksyon ang mamamayan laban sa hindi makatarungang pananakot, panggigipit, at pag-uusig, at pigilan ang isang gawain na aniya’y nagdudulot ng takot at pumipigil sa lehitimong pagpapahayag ng saloobin.
“Matagal nang nanganganib ang buhay ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at mga aktibista dahil sa red-tagging. Naglilikha ito ng chilling effect sa mga lehitimong kritiko at lider ng komunidad — kabilang na ang mga mamamahayag — at naghahasik ng takot sa ating bansa. Wala itong lugar sa isang demokratikong lipunan,” ayon sa senador.
Tinukoy rin niya ang mga naitalang kaso sa mga nakaraang taon kung saan ang mga indibidwal ay hayagang tinawag na komunista bago sila napatay, kabilang sina Jose Reynaldo Porquia, Zara Alvarez, abogado Benjamin Ramos, at Konsehal Bernardino Patigas.
“Ang seguridad na ipinagbubunyi ng Estado ay dapat nagpoprotekta, hindi naglalagay sa panganib. Hindi krimen ang adbokasiya. Hindi terorismo ang dissent,” giit ni Estrada.
“Tinitiyak ng panukalang ito na walang buhay ng Pilipino ang malalagay sa panganib dahil lamang sa walang-ingat at walang-basehang paratang.”
Ang panukala ay inihain sa gitna ng patuloy na diskusyon tungkol sa red-tagging, kung saan paulit-ulit na nagbabala ang mga human rights group at eksperto sa batas na ang mga hayagang paratang na walang due process ay nagbubukas ng panganib sa karahasan at nagpapahina sa mga karapatang itinatadhana ng Konstitusyon.

