Lacson1

LACSON: BONOAN, NAGSUMITE UMANO NG MALI SA FLOOD PROJECT DATA; 421 ‘GHOST PROJECTS’ NATUKLASAN

130 Views

IBINULGAR ni Senate President Pro Tempore at Senate Blue Ribbon Committee chairperson Senador Panfilo “Ping” Lacson na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ay umano’y nagsumite ng maling grid coordinates ng libu-libong flood control projects sa Malacañang, dahilan para lumabas ang mga umano’y “ghost projects” sa iba’t ibang panig ng bansa.

Naniniwala si Lacson na ang pagsumite na mga maling impormasyon ay nagdulot ng maraming kuwestiyon at pagdududa.

“I received reliable information that former DPWH Secretary Manuel Bonoan deliberately submitted to Malacañang incorrect grid coordinates of thousands of flood control projects all over the country which form part of the Sumbong sa Pangulo website,” pahayag ni Senador Lacson sa Kapihan sa Senado media forum.

Paliwanag ng senador, dahil sa maling datos, nalito ang mga inspection team ng Armed Forces, PNP at iba pang ahensya. “Pag mali-maling grid coordinates, siyempre walang project sa grid coordinates. Mali eh. So pag inspection ng AFP, PNP wala silang makitang project, i-report nilang ghost yan,” aniya.

Sinabi ni Senador Lacson na kasalukuyang nire-review ng DPWH ang mga rekord sa ilalim ng Multi-Year Planning and Scheduling (MIPS) at Project and Contract Management Application (PCMA). “Kasi sumbong sa Pangulo niloko niya pa,” ani Lacson, tinukoy ang umano’y tangkang “cover-up” ni Bonoan.

Ayon pa kay Senador Lacson, naglabas na ng subpoena duces tecum ang Blue Ribbon Committee kay DPWH Secretary Vince Dizon para isumite ang mga orihinal na dokumento, kabilang ang “Cabral files” na naiwan ng yumaong Undersecretary Dr. Maria Catalina Cabral.

“We are consolidating all the files, including what the late Undersecretary Cabral left before she died,” aniya.

Dagdag pa ng senador, nakapagtala ang komite ng “421 ghost flood control projects” batay sa opisyal na rekord ng DPWH na kasalukuyang nire-review.

Kinumpirma rin ni Senador Lacson na si Bonoan, na kasalukuyang nasa Estados Unidos, ay maaari umanong maharap sa contempt o deportation kung hindi ito magpapakita sa pagdinig.

“Now Secretary Bonoan is in the U.S. More or less may idea naman kami kung nasaan siya doon. And minomonitor siya ng ating embahada. If he refuses to return, he may be cited in contempt,” paliwanag niya.

Binigyang-diin ni Lacson na ang korapsyon sa mga proyekto ng imprastruktura ay “naging kultura na.” “Parang it’s no longer an exception. Kasi kapag walang napaparusahan, nagsisimula yan,” aniya.

Magpapatuloy ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Lunes kung saan inaasahang dadalo ang mga opisyal ng DPWH, mga kontratista, at iba pang testigo.