Manila Police District

Drag race ng motorsiklo sa Tondo finish na, 7 timbog

273 Views

DAHIL sa nakakabulahaw na ingay ng tambutso ng motorsiklo sa madaling araw, pitong katao ang dinampot ng mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District (MPD) sa panulukan ng Jose Abad Santos Avenue at Quiricada St. Tondo, Manila Lunes ng madaling araw.

Pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (Alarms and Scandal) sina Mark Angelo Signey, 20 ng Bgy. 91, Tondo at ang kapatid nitong si Mark Jason, 22; John John Narag, 21, ng Bgy. 255; Dante Revelleza, 32, ng Bgy. 369 Sta. Cruz; Francis Alit, 19, ng Bgy. 364, Sta. Cruz; mga pawang tricycle driver kasama ang dalawang suspek na sina Raymart Lansuela, Bgy. 372 at Gerald Darwin Cabalteja, 19, ng Herbosa St. Tondo.

Batay sa ulat na isinumiti ni P/Cpl. Kervin Laiz, kay P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, Commander ng MPD-Moriones Police Station 2, bandang 4:30 ng madaling araw nang makatanggap na ulat ang Bambang Outpost sakop ng Station 2 ang mga nagkakarerang motorsiklo na walang sidecar sa kahabaan ng Jose Abad Santos Ave. sa Tondo.

Dahil dito inobserbahan muna nina P/Cpl. Ezekiel Job Mauricio at Pat. R John Evangelista ang lugar at dito na nila namataan ang ingay ng tambutso ng mga motorsiklo.

Nakita din ng mga awtoridad ang mga nag-aabang na kapwa tricycle driver at dalawa pang pumupusta kung sino ang mananalo sa panulukan ng Jose Abad Santos at Quiricada St. na ginagawa nilang “finish line”.

Dito na nila nakuhang arestuhin ang pitong suspek at bago itinurnover sa naturang himpilan ng pulisya ay pina-medical muna ang pito sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center.

“May mga report sa amin na tuwing madaling araw yang mga tricycle driver nagpupustahan sila sa karera ng motorsiklo at tiyempo naman na may nakapagsumbong sa Bambang Outpost kaya malamang na madadala na silang magkarera, nasawata na nga namin yung mga kabataan na nagra-riot sa madaling araw ito namang karera ang pumalit,” pahayag ni P/Lt. Col. Lorenzo. Jon-jon Reyes at C.J Aliño