Calendar
Drone ipinamahagi sa Parak-Batangas
BATANGAS CITY–Mas pinaigting na seguridad at mabilis na pagbabantay ang aasahan sa buong lalawigan matapos pormal na isagawa ang ceremonial turnover ng dalawang bagong unit ng high-tech na drone mula sa Pamahalaang Panlalawigan noong Lunes.
Personal na tinanggap ng Batangas Police Provincial Office (PPO), sa pangunguna ni Provincial Director PCol. Oliver B. Ebora, ang mga kagamitan sa Batangas Provincial Capitol.
Pinangunahan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang pamamahagi ng mga drone, kasama sina Provincial Chief of Staff Pedrito Martin Dijan Jr., Provincial Engineer Nerio Ronquillo, at PPOSD Head PBGen. Arcadio L. Ronquillo Jr., PNP (Ret.).
Dumalo rin sa mahalagang aktibidad sina PLTCOL Dwight F. Fonte Jr., Deputy Provincial Director for Administration; PMAJ Billy John A Mactal, Chief, Provincial Logistics and Supply Office; at ang Provincial Supply Accountable Officer (PSAO).
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang pagkakaloob ng mga kagamitang ito ay patunay ng kanilang walang-sawang suporta sa mga alagad ng batas para sa mas epektibong pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan.
Ipinagmalaki rin ng Batangas PPO na ang hakbang na ito ay sumasalamin sa kanilang matibay na paninindigan sa mabuting pamamahala, integridad, transparency, at pananagutan, na alinsunod sa mga pamantayan ng Philippine National Police (PNP).

