Calendar
DS Khonghun kay Sen. Imee: “Konting preno naman sa pagsasalita” –
“WALA na sa lugar” ang umano’y pahayag ni Senator Imee Marcos nang sabihin nitong dapat na palitan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez dahil sa pagpapasa ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun hindi naaangkop ang naturang pahayag at itinuturing niyang paglabag ito sa respeto at kapangyarihang hiwalay na dapat iginagalang sa pagitan ng magkakapantay na sangay ng pamahalaan.
Nanawagan si Khonghun kay Sen. Marcos na maghinay-hinay at mag-ingat sa paglalabas ng mga opinyon lalo na sa mga usaping panloob ng Mababang Kapulungan.
“Konting preno naman sa pagsasalita. May hangganan ang mga puwedeng sabihin sa publiko, lalo na kung nakakasira sa integridad ng ibang institusyon,” ani Khonghun, sabay giit na nararapat lamang na igalang din ang Kamara gaya ng paggalang nila sa Senado.
Binigyang-diin ni Khonghun na dapat iwasan ng magkakapantay na sangay ng pamahalaan ang panghihimasok sa panloob na desisyon ng bawat isa, lalo na pagdating sa pagpili ng kanilang mga lider.
Ayon pa sa kanya, ang mga pahayag ni Sen. Marcos ay hindi lamang nagdudulot ng political tension, kundi maaaring makasira rin sa ugnayang nakabatay sa respeto ng kapwa mambabatas.
“What was said was not just a personal opinion. It became a public provocation. And when a senator calls for the ouster of the House Speaker, that’s not just political noise anymore, it becomes borderline interference,” giit ni Khonghun.
Dagdag niya, nananatili ang matibay na suporta ng karamihan ng mga miyembro ng Kamara de Representantes para kay Speaker Romualdez.
“Let’s be clear: Speaker Romualdez was chosen by his peers. He has led with clarity and vision, even amid difficult and sensitive political moments. That kind of leadership doesn’t get replaced just because one senator says so,” giit ni Khonghun.
Pinuri rin niya ang paraan ng Kamara sa paghawak ng proseso ng impeachment, at sinabing dumaan ito sa wastong deliberasyon at aprubado ng plenaryo.
“We don’t play fast and loose with the rules. Hindi ito parang padalos-dalos na desisyon. The Speaker merely carried out the mandate of the chamber,” ani Khonghun.
Binigyang-linaw pa niya na si Speaker Romualdez ay kumilos bilang tagapamuno alinsunod sa Saligang Batas, at hindi bilang pasimuno ng kaso.
“Hindi si Speaker ang may reklamo. Hindi siya ang naglilitis. Ang ginawa niya ay trabaho niya. Ginampanan lang niya ang tungkulin bilang lider ng Kamara,” dagdag pa ng mambabatas.
Nagbabala rin si Khonghun na ang pagbibigay-kulay pulitika sa ginampanang papel ng Speaker sa proseso ay nakakalihis sa mga mas mahahalagang isyu na tinatalakay sa reklamo.
“If we want to talk about accountability, then let’s talk about the allegations in the complaint. Hindi yung nagtuturo tayo ng mga personalidad na walang ginawa kundi tuparin ang kanilang tungkulin,” sabi pa ng mambabatas.
Bagamat maingat na umiwas sa paglala ng tensyon sa pagitan ng Senado at Kamara, iginiit ni Khonghun na hindi mananahimik ang mga kongresista kung sa tingin nila ay may pagkakamaling kailangang ituwid.
“Hindi kami palaban, pero hindi rin kami tatahimik kapag may mali. We owe it to the institution and to the people we represent to speak up when the House is being dragged unfairly,” diin pa ni Khonghun.

